Batang nangangalakal ng basura sa Dagupan, naimpeksiyon nang matusok ng hiringgilya
Ospital ang kinahantungan ng isang binatilyo na nangangalakal ng basura sa dumpsite sa Dagupan, Pangasinan matapos maimpeksiyon ang paa na natusok ng hiringgilya. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing batay sa kautusan ng Department of Health, dapat nakalagay sa metal o high density plastic container ang mga hiringgilya bago itapon. Kaya naman nagtataka umano ang kaanak ng biktimang si Janiel Capia, 13-anyos, kung bakit may hospital waste sa dumpsite ng Dagupan. Bagaman naturukan na si Capia ng anti-tetanus, problemado naman ang kanyang ina kung saan sila kukuha ng pambili ng antibiotics. Ayon sa mga nangangalakal ng basura sa Dagupan dumpsite, madalas silang makakita ng hospital waste sa lugar gaya ng hiringgilya. Babala ng mga duktor, mapanganib ang mga hospital waste dahil maaari itong makahawa gaya ng hiringgilya kung ginamit ito sa pasyenteng may nakakahawang sakit. Pero paliwanag ng opisyal ng Dagupan Waste Division, bawal ang pagtatapon ng hospital waste sa dumpsite. - FRJ, GMA News