ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Comelec: Testigo sa kasong poll fraud vs Gloria Arroyo, nawawala


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nawawala umano ang dating election officer na nag-ugnay kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa umano'y pandaraya sa halalan noong 2007, ayon isang abugado ng Commission on Elections nitong Huwebes. Ayon kay Comelec lawyer Maria Juana Valeza, hindi na niya ma-contact si dating Maguindanao election officer Russam Mabang. Sa panayam sa dzBB, sinabi rin ni Valeza na nais umano nilang ayusin ang appearance ni Mabang sa korte ngayong Huwebes, ngunit hindi na siya matagpuan ng security personnel noong Huwebes ng umaga sa loob ng kanyang safe house. Pinatibay ni Mabang ang naging testimonya ni dating provincial administrator Norie Unas, na nag-ugnay kay Gng. Arroyo, na kasalakuyang Pampangga congresswoman, sa umano'y poll fraud noong 2007. Umaasa ang Comelec na makatulong ang testimonya ni Mabang sa pagkontra ang hakbang ni Arroyo na makapagpiyansa at ang iba pang mga dating opisyal na isinangkot sa kaso, kabilang na si dating election official Lintang Bedol at dating Commission on Elections chairman Benjamin Abalos. Ayon kay Valeza, inilipat nila ang petsa ng pagdinig upang mahanap si Mabang, ayon sa ulat. Samantala, iminungkahi ng abugado ni Bedol na si Reynaldo Princesa na gamitin na lamang ang affidavit ni Mabang noong 2011. Isinailalim si Gng. Arroyo sa hospital arrest mula pa noong Nob. 18 matapos maghain ang Pasay City court ng warrant upang maaresto sa kasong electoral sabotage. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News