ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo: PNoy dapat bigyan ng panahon sa pagpili ng punong mahistrado


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hiniling ng Malacañang nitong Linggo sa publiko na bigyan ng panahon si Pangulong Benigno Aquino III upang pag-isipan ang ipapalit kay Renato Corona bilang chief justice. Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, mayroong 90 araw si Aquino upang magdesisyon. “The president has 90 days to make a decision. It would be a thorough assessment of people who should occupy the most important position in the judicial branch of government,” pahayag ni Lacierda sa panayam sa dzRB radio. Ayon sa kanya, nais ng Pangulong makatutulong ang magiging panibago nilang hirang sa executive branch. Sa mga naunang ulat, naging matunong ang mga pangalan nina Justice Secretary Leila de Lima at Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Heneras bilang pamalit ni Corona. Ayon kay De Lima at Henares, hindi sila sarado sa posibilidad na ma-nominate sila, ngunit iginiit ni Henares na hindi niya ipiprisenta ang kanyang sarili para sa posisyon. Noong Martes, ibinaba ng mga senator-judge ang hatol na guilty kay Corona sa botong 20-3 dahil sa hindi umano pagdeklara ng tamang halaga ng kanyang mga ari-arian sa kanyang isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Sa ngayon, ayon kay Lacierda, wala pa silang impormasyon kung sinong nakasama sa listahan ni Aquino para maaaring pumalit kay Corona. “Again, maraming pangalan ang lumalabas... but wala pa tayong decision," aniya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News