Paaralan sa Bayambang, Pangasinan, nasunog
Hindi naging maganda ang pagsalubong ng pasukan sa mga guro at mag-aaral ng Bayambang Central School sa Pangasinan nang masunog ang isang gusali ng paaralan nitong Martes ng hatinggabi. Dahil gawa sa light materials ang gusali, hindi na napigilan ng mga rumespondeng bumbero ang mabilis na pagkalat ng apoy. Nitong umaga ng Miyerkules, tanging mga nasunog na yero at kahoy na lamang ang bumungad sa ilang guro at estudyante. Partikular na tinupok ng apoy ang 12 silid-aralan kung saan nag-aaral ang mga estudyante sa Grades 1 at 2. Dahil dito, sinuspendi na muna klase ng mga mag-aaral. Makabubuti umano na suspindihin muna ang klase kaysa may madisgrasya sakaling may mga batang maglaro sa loob ng paaralan, ayon kay Danilo Lopez, principal ng paaralan. Plano naman ng lokal na pamahalaan ng Bayambang na magtayo ng temporary classroom. Pero sa ngayon, shifting classes na muna ang nakikitang solusyon ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd-Pangasinan) para hindi maabala ang klase ng mga estudyante. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang matukoy ang pinagmulan ng sunog. Maliban sa mga mag-aaral ng Grade 1 at 2, itinuloy naman ang klase ng ibang mag-aaral nitong Miyerkules. --Charisse Victorio/FRJ, GMA News