ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang mga magulang, alinlangan sa home-study program ng DepEd


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nag-aalinlangan pa rin ilang mga magulang sa umano'y sapilitang paglipat ng kanilang mga anak sa home-study program sa isang paaralan sa pangambang walang matututunan ang kanilang mga anak. Ikinagulat din ang ilan ang biglaan pagdami ng bilang ng mga isinailalim sa ganitong programa. Sa mahigit 14,000 umano na mga estudyante sa Batasan Hills National High School (BHNHS) sa Quezon City, 2,500 sa mga ito ay nasa home-study program ngayong taon. Ayon sa ilang mga magulang, biglaan ang pagtaas ng bilang na ito dahil noong nakaraang taon mahigit 700 lamang umano ang nasa naturang programa. Ayon sa principal's office ng BHNHS, sinunod lamang umano nila ang Department of Education (DepEd) Order No. 41, na nagbabawal sa pagkakaroon ng mahigit 60 mag-aaral sa isang klase. Ayon sa DepEd order na ibinaba noong ika-24 ng Mayo 2012: "The class size shall range from a minimum of 15 pupils/students to a maximum of 60 pupils/students per class for Grade 5 to high school." Dagdag pa nito, sa mga paaralang mayroong mataas na bilang ng mga mag-aaral, dapat ipatupad ng school heads o principals ang alternative delivery modes. Ngunit, ayon kay Margie Reyes, magulang ng 17-taong-gulang na mag-aaral sa BHNHS, lubos siyang nagulat sa biglaang paglipat ng kanyang anak sa home study program. Ayon sa kanya, "old student" umano ang kanyang anak, kaya dapat umanong ipasok ito sa regular class schedule. Sa hiwalay na ulat naman ni Hadji Rieta para sa "State of the Nation" ng GMA, may ilang mga magulang ang nag-aalinlangan sa programa. "Ngayong home study sila, anong matututunan nila? Kung ako po walang natapos, sino po ang sasagot sa katanungan ng anak ko?" ani Mary Jane Balmaceda, ina ng isang mag-aaral sa BHNHS. Overage enrollees Ayon kay Ruth Yap, officer-in-charge ng Home Study Program ng BHNHS, awtomatikong ilalagay ang mga mag-aaral na may edad na 17 taon pataas sa home-study program. Ayon sa kanya, binibigyang prayoridad ang mga mag-aaral na nasa tamang taon para sa kanilang edad upang makuha ang regular na iskedyul ng klase. "'Yung taon na binigay sa kanila ng gobyerno, nasayang.... Sa halip na pumasok sila, tumigil sila [sa pag-aaral], kung ano man ang problema," aniya. "Alangan namang i-prioritize natin sila [sa] 60 per class [na bagong utos ng DepEd].. 'Yung student na nasa regular age ay ang dapat nandoon," dagdag pa niya. Ayon kay Yap, responsibilidad ng mga magulang upang makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. "Maraming pwedeng programa na pwede puntahan, purket walang pera, financial problem, ihihinto nalang," aniya. Ayon sa kanya, magandang halimbawa ang Alternative Learning System (ALS) Accreditation ng DepEd kung saan maaaring kumuha ng pagsusulit ang mga 15 taong gulang pataas na mga out-of-school youth upang magkaroon ng accreditation. Maliban sa mga overage, ilalagay din ang ilang mga mag-aaral na late enrollees sa home study program. "Sa totoo lang, hindi na dapat nag-e-enroll ngayon, dapat nagkaklase nalang pero dahil nga old students natin 'yan, kailangang i-entertain," ayon kay Yap. Solusyon sa overcrowding? Sa pagkakaroon ng 60:1 teacher-student ratio ng bawat kalse ng paaralan, bumaba ang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase mula sa mahigit 100:1 noong nakaraang taon. Ayon kay Yap, 2001 pa unang ipinatupad ang home study program. Sa katanuyan, mayroon umano silang graduate ng home study program na mga guro na ngayon sa BHNHS. "Hindi purket home study, wala nang matutunan," giit niya. "At ang tingin ko, maganda naman ang nais ng DepEd na 60 per class. Kasi quality nga ang gusto nga natin, paano magiging quality kung sisiksikin natin?" aniya. Sa home study program, mabibigyan ng modules ang mga mag-aaral na kanilang pag-aaralan buong linggo at tuwing Sabado lamang sila papasok sa mga paaralan, ayon kay Yap. Buong araw ng Sabado magkaklase ang mga mag-aaral upang masagot ang kanilang mga katanungan sa modules nila, aniya. Ayon kay Yap, mahalaga ang bahagi at tulong ng mga magulang upang lubusang magtagumpay ang programa. "Dapat may tututok diyan [ang mga magulang sa kanilang mga anak]," aniya. "Iniwan nila ang responsibilidad sa guro e. Kapag bumagsak 'yan, sinong sisihin?" dagdag niya. "Mapa-public man 'yan o private, laging dapat may supervision ng magulang. Alangan namang ako ang umampon diyan sa mga anak nilang may problema, wala tayong magagawa," aniya. — LBG, GMA News