Paggamit ng PNoy gov’t ng P39.5B sa cash transfer program, bubusisiin ng Kongreso
Rerepasuhin ng binuong joint oversight congressional committee on public expenditures ng Senado at Kamara de Representantes ang paggamit ng pamahalaan sa P39.5 bilyong pondo na inilaan sa conditional cash transfer (CCT) program. Ang naturang pondo na ipinagkakaloob bilang tulong pangpinansiyal sa may tatlong milyong mahihirap na pamilyang Pilipino ay bahagi ng P1.816 trilyong budget ng pamahalaan ngayon 2012. Ayon kay Cavite Rep. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya Jr., pinuno ng House committee on appropriations, inaasahan na maisasagawa ng joint oversight committee ang ginawang paggamit ng pondo ng pamahalaan bago ang pagsusumite ng Department of Budget and Management (DBM) ng hihinging budget ng gobyerno para sa 2013. Karaniwang isinusumite ng Palasyo sa Kamara ang hinihinging taunang budget sa paraan ng General Appropriations Bill pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ng pangulo sa Hulyo. “The members of the joint body have been named and we are planning to oversee and monitor the disbursement of the CCT funds," ayon kay Abaya. Ang CCT program na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay pinasimulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ipinagpatuloy ng liderato ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa ilalim ng programa, binibigyan ang mahirap na pamilya ng buwanang cash allowance na hanggang P1,400 o P500 sa bawat bahay at tig-P300 sa bawat bata (na hanggang tatlo). Layunin ng programa na matulungan sa gastusin ang mga mahihirap na pamilya at mapanatiling nag-aaral ang mga bata. Bukod sa CCT program, sisilipin din ng joint oversight committee ang paggamit sa P238.8 bilyong pondo ng Department of Education (DepEd), P44.4 bilyon ng Department of Health (DoH), at sa P140 bilyong na inilaan sa infrastructure projects at iba pa. Ayon kay Abaya, ang mga kasapi ng joint oversight committee sa Senado ay pamumunuan ni Sen. Franklin Drilon, na tumayong pinuno ng Senate committee on finance. Ipinaliwanag ng kongresista na bahagi ng ipinasang 2012 GAA ang pagbuo sa joint oversight committee upang matiyak na hindi nawawaldas ang pondo ng pamahalaan. “This is part of President Aquino’s thrust for good governance under ang daang matuwid (the straight path) where checks and balances between the Executive branch and Congress are observed," ayon kay Abaya. “Ensuring that public funds go directly to the needy in accordance with the disbursement laws is one of the tasks that President Aquino has set in his government," dagdag pa niya. - RP/FRJ, GMA News