Imbestigasyon ng WBO sa Pacquiao-Bradley fight sisimulan na
Sisimulan na ng World Boxing Organization ang imbestigasyon nito sa pagkapanalo ni Timothy Bradley laban kay Filipino boxing icon Manny Pacquiao. Sa kontrobersyal na pagkapanalo ni Bradley, na-pressure umano ang tatlong hurado dahil maraming boxing fans at mga expert ang naniniwalang nagkaroon ng pagkakamali sa naging desisyon sa championship boxing bout noong Sabado (Linggo, PHL time) sa Las Vegas, Nevada. Ayon kay WBO president Francisco "Paco" Valcarcel, susuriin ng WBO committee ang naganap laban batay sa "rules of procedure." Ayon kay Valcarcel, nakatakda nang magpulong ang committee upang pag-aralan ang video ng laban sa tulong ng limang "recognized international judges." Matapos ito mapag-aralan, ibibigay nila ang kanilang rekomendasyon sa WBO. "I want to clarify that in no way this says that we are doubting the capacity of these judges, which we consider as honest and competent judges," ani Valcarcel. Sa naganap na laban, pumabor si judge Jerry Roth kay Pacquaio sa scoring na 115-113, habang sina C.J. Ross at Duane Ford, sa parehong scoring, pumabor kay Bradley. Samantala, matapos ilabas ang resulta, kinuwestiyon ni Bob Arum, promoter ng laban, ang kakayahan ng mga hurado, ang selection process ng Nevada State Athletic Commission sa pagpili ng mga hurado, at kung bakit nagmula sa Nevada ang lahat ng mga napili. Naniniwala si Arum na hindi resulta ng korapsyon ang naging scoring, ngunit ito ay maaaring dahil sa "incompetence" ng mga hurado. Hiniling niya noong Lunes (Martes, PHL time) sa Nevada attorney general's office ang "full and complete inquiry" sa naging scoring. Noong Martes naman (Miyerkules, PHL time), sinuportahan ni US Senate Majority Leader Harry Reid ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa desisyon, ngunit naniniwala siyang walang "untoward" na nangyari sa scoring. "If an investigation makes everyone feel better, do the investigation," ani Reid. "I am confident that there was nothing untoward, I think people just make bad decisions in a lot of things they do, including judging fights," ayon sa kanya. "But it doesn't hurt to clear the air and take a look at this," dagdag niya. Dating miyembro ng state's athletic commission si Reid at naging hurado sa ilang mga laban bago pumasok sa politiko. Nangampanya si Pacquiao para kay Reid noong eleksyon 2010. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News