Para sa Emergency Repatriation Fund: OFWs, sisingilin ng $50 bago umalis
Good at bad news sa mga Pilipino na nais magtrabaho sa ibang bansa. Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong madagdagan ang pondo na magagamit sa agarang pagpapauwi ng mga magigipit na overseas Filipino Worker (OFW). Ngunit sa ilalim ng House Bill (HB) No. 6195 na inihain ni Manila Rep. Ma. Theresa Bonoan-David, ang pondo ay manggagaling sa kontribusyon ng mismong mga Pinoy na nais makipagsapalaran sa ibang bansa. Nakasaad sa panukalang batas na kailangan magbigay ng kontribusyon ang mga aalis na OFW ng $50 sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ilalaan naman sa Emergency Repatriation Fund. "The bill intends to provide the necessary measures for the government to carry out its responsibilities to assist distressed OFWs in cases of war, epidemic, disaster or calamities, natural or man-made, and other similar events, and promote their general welfare," paliwanag ng kongresista. Aamyendahan ng panukalang batas ang Republic Act 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, upang mailagay ang probisyon na nagtatakda sa mga aalis na OFW na magbigay ng $50 para sa Emergency Repatriation Fund ng OWWA. Sa kasalukuyan, nagbibigay ng $25 OWWA contribution ang mga umaalis na OFW. Naniniwala si Bonoan-David na hindi sapat ang kasalukuyang pondo na nakapaloob sa Emergency Repatriation Fund na nilikha sa ilalim ng RA 8042, at pinamamahalaan ng OWWA. "There are millions of OFWs all over the world which the Philippine government is mandated to protect and safeguard under RA 8042 but it seems incapable to efficiently help distressed OFWs due to financial constraints," paliwanag niya. Itinatakda rin sa HB 6195 ang pagbuo ng up-to-date database at locator system, disaster preparedness at mitigation measures para sa mabilis na paglilikas sa mga OFW. Ang mga OFW ay maaaring ilikas kapag ang lugar na kinaroroonan nila ay may digmaan, epidemiya, kalamidad, at iba pang mapanganib na sitwasyon. - RP/FRJ, GMA News