Pacquiao, mainit na tinanggap ng mga kababayan sa GenSan
Mainit na sinalubong si Filipino boxing icon at Sarangani Rep. Emmanuel "Manny" Pacquiao nitong Linggo ng kanyang mga kababayan sa General Santos City. Nakatakda ring magbigay ng tulong ang Pambansang Kamao sa mga nasalanta ng pagbaha sa ilang lugar sa Sarangani province na kanyang kinakatawan sa Kamara, ayon sa ulat ng 'Balitanghali' ng GMA News TV. Hawak-hawak ni Pacquiao ang Bibliya sa kanyang pagdating sa General Santos Linggo ika-10 umaga. Pinutol ni Pacquiao ang kanyang pagbabakasyon sa United States upang makasama ang at matulungan ang kanyang constituents sa Sarangani na sinalanta ng baha dulot ng matinding pag-ulan noong nakaraang linggo. Nakarating sa bansa si Pacquiao noong Sabado. Tinanggihan niya ang isang hero's welcome upang agad na makatulong sa kanyang mga kababayan sa Mindanao. Samantala, inihayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na wala pa siyang nakuhang impormasyon kung bibisita si Pangulong Benigno Aquino III sa mga lugar na apektado sa pagbaha noong nakaraang linggo sa Mindanao. "We have not been apprised of the schedule of the president for the coming week," kanyang inihayag sa dzRB radio. Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (6 a.m. noong Sabado), mahigit 6,183 pamilya o 30,937 katao sa 41 na mga barangay sa limang bayan at tatlong siyudad sa anim na probinsya ang apektado sa pagbaha. Sa mga ito, 104 pamilya o 476 katao ang nasa limang evacuation centers. Dagdag pa nito, 10 ang namatay dahil sa pagbaha, 43 katao ang nawawala at dalawa ang sugatan. Tinatayang aabot sa P2,051,646.75 ang ng halaga ng mga ari-ariang napinsala sa probinsya lamang ng Sarangani, ayon sa NDRRMC. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News