ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DENR, nakakuha ng 4 na bangkang lilinis sa Manila Bay at ilang waterways


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakakuha ng apat na bagong trash boats ang Department of Environment and Natural Resources na gagamitin upang mangolekta ng basura sa Manila Bay at sa sa mga daluyan ng tubig sa ilang bahagi ng Luzon. 
 
Ayon kay Environment Secretary Ramon Paje, plano nilang kumuha ng 20 pang mga bangka bilang bahagi sa cleanup efforts ng gobyerno.
 
“The trash boats are DENR’s way of assisting LGUs in two ways: cleaning up the waterways in their areas of jurisdiction and ensuring the implementation of solid waste management, as they are mandated to do so,” kanyang inihayag sa news release sa Official Gazette website.
 
Ayon kay Paje, ipadadala ang mga bangka sa ilang bahagi ng Central Luzon; sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon at Metro Manila.
 
Ayon sa kanya, gagamitin ang mga bangka upang linisin ang coastal at inland waterways at river systems ng Manila Bay.
 
Sa kasalakuyan, matatagpuan ang apat na bangkang sa compound ng Manila Yacht Club sa Roxas Boulevard sa Manila. Nagkakahalaga ng P1.733 milyon ang bawat bangka.
 
Hiwalay na ipadadala ang mga ito sa Malabon at Manila, sa probinsya ng Obando, at sa Cavite.
 
Ayon kay DENR Manila Bay Coordinating Office Director Noel Gaerlan, kasalakuyan pa nilang tinutukoy kung saan itatalaga ang 20 pang dagdag na bangka.
 
Semi-mechanized ang 30-talampakang bangkang nakadesenyo upang makakalap ng tatlong toneladang basurang lumulutang sa tubig.
 
Manual na ihihiwalay sa markadong sorting bins ang mga basurang makakalap at ililipat sa mga garbage collection trucks.
 
Trash skimmer
 
Ayon kay Gaerlan, plano ring bumili ng DENR ng "trash skimmer" na kanilang gagamitin upang mangolekta ng basura sa Manila Bay.
 
Inutos ng Korte Suprema noong Disyembre 18, 2008 ang paglilinis sa Manila Bay.
 
Sa isang “writ of continuing mandamus,” inutusan ng SC ang 13 ahensya ng gobyerno, kabilang na ang DENR, upang linisin ang bay at ibalik ang estado nito kung saan maaari na muling lumangoy at isagawa ang iba pang mga recreation na aktibidad. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
Tags: denr, manilabay