ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
DFA: Gobyerno, pinag-aaralan ang redeployment ng mga barko sa Panatag Shoal
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa gitna ng pagbabanta ng parating na bagyo, inihayag ng gobyerno ng Pilipinas nitong Martes na kasalakuyan pa nilang pinag-aaralan kung ipadadala ba muli ang mga barko nito sa Panatag (Scarborough) Shoal.
Inihayag ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez nitong Martes na sa kabila ng pag-alis ng bagyong Butchoy (Guchol) mula sa bansa, inaasahan namang dumating ang Tropical Storm Talim sa teritoryo ng Pilipinas ngayong Miyerkules.
"Ang dahilan talaga ng pullout was masamang panahon sa lugar. Nalaman natin ... tomorrow darating ang bagong bagyo si 'Talim' sa West Philippine Sea. So titingnan kung ligtas pumunta roon ang ating barko sa West Philippine Sea or Bajo de Masinloc," ani Hernandez sa panayam ng dzBB radio.
Tinutukoy ng Pilipinas ang pinagtatalunang Panatag (Scarborough) Shoal o Bajo de Masinloc. Huangyan Island naman ang tawag ng China sa lugar.
Nagsimula ang pinakahuling alitan ng China at Pilipinas noong Abril 10 kung kailan tinangka ng mga tauhan Philippine Navy na huliin ang walong Chinese fishing boats na umano'y ilegal na nangisda at nanguha ng endangered marine species sa Panatag Shoal.
Ngunit bago pa man maganap ang panghuhuli ng mga tauhan ng Navy lulan ng BRP Gregorio del Pilar, humarang ang dalawang Chinese marine vessels. Dito na nagsimula ang standoff.
Sa ngayon, inihayag ni Hernandez na patuloy pa ring umaasa ang Pilipinas sa international law.
Ayon sa kanya, nananatiling handa ang Pilipinas na dalhin ang kaso ng alitan sa United Nations Convention on the Law of the Sea, kahit na tumanggi ang China na maging bahagi nito.
"Yan yata sa dispute mechanism ng UNCLOS, may provisions na pwede ito idulog kahit walang presensya ng isang panig. Yan pinagaaralan ngayon at magawan ito para magawan ng matibay at pangmatagalang solusyon sa Bajo de Masinloc at West Philippine Sea," aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular