ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dolphy, isinailalim muli sa dialysis


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Muling isinailalim sa dialysis ang Comedy King na si Rodolfo “Dolphy" Vera Quizon nitong Sabado, ayon sa kanyang anak na si Ronnie Quezon. Sa ulat ng GMA News TV’s “Balitanghali", sinabi ni Quizon na ginawa muli ang dialysis sa kanyang ama, isang araw matapos itong itigil bunga ng komplikasyon nang bumalik ang kanyang pneumonia. Ang pagsasailalim muli kay Dolphy sa dialysis ay itinuturing nilang magandang balita dahil indikasyon ito na bumuti ang kalusugan ng kanilang ama. Kasabay nito, nakiusap siya na itigil na ang pagkakalat ng maling impormasyon na pumanaw na ang beteranong aktor na kumakalat pa rin umano sa Internet. Nananatili ring nakasubaybay ang kanilang buong pamilya sa kalagayan ng kanilang ama na nakaratay sa Makati Medical Center mula pa noong June 9. Kabilang umano sa nagbantay kay Dolphy nitong Biyernes ng gabi ay ang aktres na si Maricel Soriano, na gumanap na anak ng comedy king sa pumatok na sitcom noon na “John En Marsha." Mula naman sa biyahe sa Amerika, kaagad na dumalaw ang aktres na si Nova Villa sa ospital nitong Sabado ng umaga. Si Nova ang gumanap na misis ni Dolphy sa isa pang sitcom nito na “Home Along Da Riles." — FRJ, GMA News