ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Abalos, nakalaya ng dalawang oras upang mabisita ang bahay, pamilya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa gitna ng mahigpit na seguridad, panandaliang nakalaya si dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos upang mabisita ang kanyang bahay sa Mandaluyong City nitong Linggo. Ayon sa ulat ni Hadji Rieta para sa 'Balitanghali' ng GMA News TV, dumating ng 11 ng umaga ang dating chairman sa kanyang bahay sa Mandaluyong City, kung saan siya sinalubong ng kanyang mga taga-suporta at pamilya, kabilang na ang kanyang asawa at ang 104-taong-gulang niyang ina. Dalawang oras lamang ibinigay kay Abalos upang matingnan ang kanyang bahay at makasama ang pamilya sa kaarawan ng kanyang apo, ayon sa ulat. Inihayag naman ni Mandaluyong City Mayor Benjamin "Benhur" Abalos Jr. ang kanyang kasiyahan sa panandaliang oras na ibinigay upang makasama ang kanyang ama. Sa kabila nito, patuloy pa rin niyang inaasam na tuluyan nang mapalaya ito, ayon sa ulat. Dagdag nito, pinasalamatan din ni Abalos ang kanyang mga taga-suporta na nag-abang sa kanyang bahay nitong 8 pa lamang ng umaga. Naunang hiniling ni Abalos sa Pasay City court, na kasalakuyang humahawak ng kanyang electoral sabotage case, na payagan siyang pansamantalang makalaya mula sa kanyang pagkabilanggo. Iginiit ni Abalos ang kanyang pagnanais na makita ang kalagayan ng kanyang bahay mula sa nagdaang bagyo. Hindi naman tumutol ang korte sa kanyang kahilingan. Sa katunayan, pumayag muli ito sa kanyang kahilingan na dagdag isang oras sa kanyang pagbisita upang makasama ang pamilya sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang apo. Ayon sa kanya, hindi pa niya nakikita ang kanyang apo mula nang mabilanggo sa Southern Police Distruct headquarters noong nakaraang taon. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News