ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga kakataying aso, nasagip sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Limang aso na kakatayin na sana ang nasagip ng mga awtoridad mula sa dalawang lalaki na nadakip sa San Carlos, Pangasinan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing kakatayin ang mga aso para ibenta ang karne ng magkamag-anak na suspek sa Barangay Bonifacio sa San Carlos city. "Due to the information given by our community investigative support, we were able to trace this kind of activity," ayon kay Police Inspector Lovell Dalisay, CIDG-Dagupan. Dinakip ang dalawang lalaki sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act. Isa sa mga nasagip na aso ang nanghihingalo na nang madatnan ng mga pulis. Mahigpit ang pagkatali sa nguso at paa nito. Nakasilid naman sa sako ang isa pa. Nakuha mula sa dalawang suspek ang dalawang kutsilyo at isang pangsilo o panghuli ng aso. Iginiit ni Danny Samira, isa sa mga suspek, na kahirapan ang dahilan kaya nila ginawa ang ilegal na gawain. "Alam ko pong bawal kaya lang marami akong anak kaya 'yon, ginagawa ko 'yon para may panggastos ang mga anak ko," paliwanag niya. Ngunit bago pa man madala sa rescue center ng Animal Kingdom Foundation Inc., ang mga nasagip na aso, tatlo sa kanila ang binawian na ng buhay. Dahil sa patuloy na pagdami ng mga kumakatay ng aso, hiniling ng AFK na pabigatin ang parusa laban sa mga lumalabag sa Animal Welfare Act. Sa ngayon, P4,000 lamang ang piyansa sa mga lumabag sa naturang batas, ayon sa ulat. - Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News