ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Malaking bawas sa mga nagugutom na Pinoy, dahil daw sa mga programa ng pamahalaan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umabot sa may isang milyong pamilyang Pinoy ang nabawas sa bilang ng mga nagsabing nakararanas sila ng gutom. Batay ito sa pinakabagong survey na ginawa ng Social Weather Stations nitong Mayo. Sa naturang survey na ginawa nitong Mayo 24 hanggang 27, sinabing 18.4 percent ng mga tananong ang nagsabing nakararanas sila ng gutom. Mas mababa ito sa naitalang 23.8 percent noong Marso. Ayon sa SWS, malaki ang ibinaba ng datos nitong Mayo dahil na rin sa "improvements" ng mga nasa antas ng “moderate and severe hunger." Sa paglalarawan ng SWS, ang “moderate hunger" ay sitwasyon kung saan ang tao ay nakararanas na walang makain paminsan-minsan sa nakalipas na tatlong buwan. Samantala, madalas na walang makain naman ang nasa aspeto ng “severe hunger." Batay sa pinakabagong survey, ang “moderate hunger" ay bumaba sa 13.7 percent (2.8 milyong pamilya) kumpara sa 18 percent (3.7 milyon) noong Marso. Samantala, ang “severe hunger" ay bumaba sa 4.8 percent nitong Mayo kumpara sa 5.8 percent noong Marso. Bumaba ang bilang ng mga nagugutom sa lahat ng lugar: • Metro Manila: 3.3 percent (mula sa 8 percent noong Marso); • Balance Luzon: 5.7 percent (mula sa 6 percent); • Visayas: 2.3 percent (mula sa 2.7 percent), at • Mindanao: 6 percent (mula 6.7 percent). Dahil sa mga programa Ikinatuwa naman ng Palasyo ang pagbaba ng bilang ng mga nagugutom at iniugnay ito sa mga ipinatutupad na programa umano ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Kabilang sa mga tinukoy na programa ni presidential spokesman Edwin Lacierda ay tungkol sa pagpapalago sa ekonomiya, edukasyon, kalusugan at anti-corruption na pawang may kaugnayan sa pagpapababa sa antas ng kahirapan at gutom sa bansa. “We are confident these programs will have a lasting effect," ayon sa opisyal. Kumpiyansa naman si deputy presidential spokesperson Abigail Valte na mapapababa pa ang bilang ng mga nagugutom sa paglipas ng panahon. – FRJ/GMA News