ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinay DH na nakitang patay sa bahay ng kanyang amo sa HK, naiuwi na sa Iloilo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakaburol na sa kanyang bayan sa Balasan, Iloilo ang 36-anyos na Pinay domestic helper na nakitang patay sa bahay ng kanyang amo sa Hong Kong noong nakaraang buwan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing dumating sa Maynila ang mga labi ni Gemma Gan Operio nitong Biyernes. Matapos nito ay inilipad na rin siya sa kanyang sinilangang bayan sa Balasan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin umano alam ng pamilya ni Operio at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng OFW. Napag-alaman na nakaka-isang buwan pa lamang si Operio sa pagtatrabaho sa Hong Kong nang makita itong walang buhay at bumubula umano ang bibig sa kanyang kuwarto sa bahay ng kanyang amo. Hinihintay pa rin umano ang resulta ng ginawang awtopsiya kay Operio ng mga awtoridad sa Hong Kong. Sa naunang ulat, sinabi ni Jimmy Gran, ama ng nasawi, na ayaw niyang magduda sa nangyari sa kanyang anak dahil hindi naman niya ito nakita nang pumanaw. Wala rin umanong naikukuwentong problema ang kanyang anak kapag nakakausap niya sa telepono. - FRJ, GMA News