Mga hinihinalang menor de edad, sangkot umano sa nakawan at bigong holdap sa Cebu
Limang hinihinalang menor de edad ang sangkot umano sa magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw at bigong pagholdap sa mga pasahero ng isang jeepney sa Cebu City. Sa ulat ng GMA News TV’s Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing apat na lalaki na pinapaniwalaang mga menor de edad ang naglabas ng patalim at nagdeklara ng holdap habang nasa loob ng isang pampasaherong jeepney. Masuwerte namang may napadaang mga pulis sa lugar at kaagad na rumesponde nang makahingi ng tulong ang isa sa mga pasahero. Pero mabilis na nakatakas ang mga suspek at walang natangay na gamit ng mga pasahero. Sa hiwalay na insidente sa lungsod, isang lalaki ang nadakip dahil sa pagnanakaw umano sa isang tindahan. Ayon sa saksi, nakita niya ang menor de edad na suspek na may kasamang isa pang lalaki habang ninanakawan umano ang tindahan. Kaagad na humingi ng tulong sa pulisya ang saksi at nadakip ang lalaki pero nakatakas ang kasama nito. Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon laban sa kanya. -- FRJ, GMA News