ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Kumander Lastikman at 10 pang iba, nakatakas mula sa bilangguan sa Cotabato City
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakatakas ang 11 "dangerous" na bilanggo ng Maguindanao Provincial Jail sa Cotabato City nitong Martes ng madaling araw matapos nilang lagariin ang rehas ng kanilang palikuran.
Nadakip naman agad ang dalawa sa mga pugante ngunit patuloy pa ring pinaghahanap ang iba, kabilang na ang kilalang bandidong pinuno na si Datukan Samad a.k.a. Kumandar Lastikman.
"Mga 1:30 a.m. may report sa amin, ang pagkasabi sa amin sa provincial jail, nilagari ang iron grille malapit sa CR [comfort room] at doon sila dumaan," ani Cotabato City police OIC Senior Superintendent Danny Reyes sa panayam ng dzBB radio.
Ayon naman sa hiwalay na ulat ng "News To Go" ng GMA News TV, dalawa lamang ang bantay sa bilangguan nang maganap ang pagtakas nitong madaling araw.
Ayon sa ulat, nagawa umanong akyatin ng mga bilanggo ang pader na puno ng barbed wire. Naiwan ng mga pugante ang kanilang mga tsinelas at damit sa kanilang pagtakas mula sa piitan.
'Lastikman'
Ayon kay Reyes, sangkot umano si Kumander Lastikman sa mga kasong multiple murder, extortion, at pagnanakaw. Samantala, humaharap naman ang iba sa mga kaso tulad ng kidnapping at illegal possession ng mga armas.
Ayon sa kanya, kasalakuyan pa nilang tinutukoy kung sangkot ang mga nakatakas na bilanggo sa Maguindanao massacre noong Nob. 23, 2009 na nagresulta sa pagkamatay ng 57 katao, kabilang na ang 32 miyembro ng media.
"Under investigation pa itong insidente," kanyang inihayag matapos tanungin kung sangkot sa Maguindanao massacre ang mga nakatakas na bilanggo.
"Continuous ang hot pursuit operation," aniya. Ayon din sa kanya, kinokonsiderang "high security" ang mga bilanggong ito.
Hindi naman pinangalanan ni Warden Kasan Odin, ang namamahala sa nasabing bilangguan, ang mga nadakip nang bilanggo.
DILG: Ilipat ang mga lokal na bilanggo sa BJMP
Samantala, nanawagan na si Interior and Local Government chief Jesse Robredo sa mga lokal na executive na ilipat ang kontrol ng mga lokal na bilangguan sa kamay ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang maiwasan ang parehong insidente.
Ayon sa kanya, "vulnerable" umano ang mga provincial na bilangguan sapagkat “untrained and ill-equipped” ang mga tauhan na hinirang mga lokal na opisyal ng gobyerno.
“If we could place all these local jails under the BJMP, its management would be professionalized. At the BJMP, we have professional or highly-trained jail guards and jailbreak incidents are either minimal or will have zero escape incidents,” kanyang inihayag nitong Martes.
Dagdag nito, magiging “unburdened” din umano ang mga lokal na pamahalaan sa responsibilidad na bayaran ang lokal na jail warden at ng mga tauhan nito kung ililipat sa BJMP ang mga bilanggo.
Malilipat lamang sa BJMP ang isang provincial na bilangguan kung pagpasyahin ito ng lokal na pamahalaan, ayon sa 1991 Local Government Code.
Noong nakaraang taon, 15 lamang mula sa 575 mga bilangguan ng lokal na gobyerno sa buong bansa ang nag-turn over sa BJMP.
Kasalakuyang 414 lamang mula sa 898 bilangguan sa buong bansa ang hawak ng BJMP, ayon sa pinakahuling tala ng bureau. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
Tags: kumanderlastikman, jailbreak
More Videos
Most Popular