Kahirapan at sakit, posibleng dahilan daw kaya sinaksak ng ina ang 2-anyos na anak
Hinihinala na kahirapan at ang dinaramdam na sakit ang posibleng nagtulak umano sa isang ina para saksakin at mapatay ang kanyang dalawang taong gulang na anak sa Umingay, Pangasinan. Sa ulat ni Jett Arcellana sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing sabay na isinugod sa ospital ang mag-ina nitong Sabado dahil sa tinamo nilang saksak sa tiyan. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na lasing sa alak ang ina nang saksakin umano nito ang anak at pagkatapos ay sinasaksak din ang sarili. Binawain ang buhay sa ospital ang bata, habang nagpapagaling na ang ina. Ayon kay Chief Inspector Jesus Manalo, Jr., ng Umingan police, tanging ang mag-ina lamang ang nasa bahay nang maganap ang trahedya. Nasa eskuwelahan umano ang ibang anak nito, habang nasa trabaho naman ang asawa. Nakita sa bahay ng mag-ina ang isang bote ng alak na halos paubos na at isang patalim na hinihinalang ginamit sa pananaksak. Sinabi naman ng ilang kaanak ng ginang na maaaring dinamdam ng ina ang sakit nito. Pinag-aaralan pa umano kung sasampahan ng kaso ang ina, habang ipinagkatiwala muna sa ilang kaanak ang iba nilang anak. - FRJ, GMA News