Opisyal ng CBCP, pinaalalahanan ang mga lokal na opisyal tungkol sa pagtrato sa akusado
Kasunod ng insidente ng umano’y pagpapakain ng papel ni Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte sa isang akusado ng swindling, pinaalalahanan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan tungkol sa karapatan ng mga akusado. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo nitong Huwebes, sinabi ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Cannon Law, dapat isaalang-alang ng mga lokal na opisyal ang dignidad at karapatan ng isang akusado. “Although, nauunawaan natin na minsan talaga nauubusan din tayo ng pasensya kasi may mga tao talagang nakakagawa ng krimen na hindi natututo sa kanilang kasalanan pero may karapatan pa rin ang mga ito at may dignidad na dapat igalang," pahayag ni Medroso sa panayam ng Radyo Veritas. Sinabi ng Obispo na marami pa namang paraan para mapanagot sa kanilang pagkakasala ang mga akusado na hindi malalabag ng mga opisyal ang batas. Una rito, isang lalaki ang dinakip ng mga pulis sa Davao City kamakailan matapos ireklamo ng paniningil umano ng bayad sa mga informal settler para tumira sa isang pribadong lote na hindi naman niya pag-aari. Galit na binisita ni Duterte ang akusado sa loob presinto at iniulat na pinakain umano ito ng papel ng bise alkalde. Ang naturang insidente ay hindi nakaligtas sa Human Rights Commission, na magsagawa ng imbestigasyon dahil posibleng nalabag umano ang karapatang pantao ng suspek. Ngunit sa isang ulat ng GMA News TV’s Balita Pilipinas Ngayon, sinabing chewing gum at hindi papel ang nakitang nginunguya ng lalaki. Noong nakaraang taon, naging kontrobersiyal din ang anak ni Duterte na si Davao City mayor Sara Duterte dahil sa ginawa nitong pagsuntok sa isang Court Sheriff matapos sumiklab ang kaguluhan sa demolisyon. Binigyan-diin naman ni Medroso na dapat maging magandang ehemplo ng kabutihan at kababaan ng loob ang mga lokal na opisyal para sa kanilang mga nasasakupan. - MP/FRJ, GMA News