Cesar Montano vs Isko Moreno sa pagka-bise alkalde ng Maynila sa 2013 elections?
Namumuro nga ba na magkasagupa sa balota sa 2013 elections para sa posisyon ng bise alkalde ng Maynila ang aktor na si Cesar Montano at dati ring artista at incumbent vice mayor na si Francisco “Isko" Moreno? Sa ulat ni Maki Pulido para sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi nito na umugong ang espekulasyon na si Montano ang posibleng maging running-mate ni Manila Mayor Alfredo Lim nang magsama ang dalawa sa pagbisita sa bahay-ampunan na Hospicio de San Jose. Pero paglilinaw ng dalawa, hindi pulitika kung hindi tungkol sa gagawing pelikula ni Montano tungkol sa buhay ni Lim ang dahilan ng kanilang madalas na pagkikita. Gumagawa lang umano ng research si Montano tungkol sa buhay ni Lim kaya sila nagpunta sa bahay ampunan. Walong taon ding nanirahan si Lim sa naturang bahay-ampunan nung kabataan pa ng alkalde. Ayon kay Lim, namimili pa siya ng kanyang magiging katambal sa 2013 elections pero ikalulugod niya kung si Montano ang kanyang magiging bise alkalde. Matatandaan na bumitiw ng suporta kay Lim kamakailan si Moreno para lumipat sa partido ni dating Pangulong Joseph Estrada, na nagpahayag ng interes na tumakbong alkalde ng Maynila sa darating na halalan. Mula sa Bohol, lumipat sa Maynila Ayon sa ulat, inilipat na ni Montano ang kanyang rehistro bilang botante sa Sta. Ana, Maynila mula sa kanyang lalawigan sa Bohol. Noong 2010 elections, tumakbo pero natalong gobernor ng nabanggit na lalawigan ang aktor. Natalo rin si Montano sa pagka-senador noong 2007 elections. Sa kabila ng mga kabiguan sa pulitika, hindi raw nawawalan ng pag-asa ang aktor. Maging si Lim, ipinaalala ang kasabihan tungkol sa hindi pagsuko hanggat hindi nakakamit ang minimithi. Bagaman tungkol sa gagawing pelikula ang dahilan ng madalas nilang pagsasama ni Lim, sinabi ni Montano na hindi masamang idea at magiging malaking karangalan sa kanya kung nagiging katambal siya ni Lim sa halalan. -- FRJimenez, GMA News