Ama, suspek sa pagpatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa 4-anyos na anak
Iniimbestigahan ng mga pulis sa Tabaco, Albay kung ano ang nagtulak sa isang ama para saksakin hanggang sa mapatay ang kanyang apat na taong gulang na anak. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing pinagsasaksak umano ng suspek ang kanyang anak sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. San Roque nitong Miyerkules. Dinala ang bata sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival. Ilan sa anggulong tinitingnan ng pulisya sa naganap na krimen ay ang posibilidad na may diperensiya sa pag-iisip ang suspek o ang problema sa kanyang pamilya. Kamakailan lang, isang ginang sa Umingay, Pangasinan ang sinasabing sumaksak at pumatay din sa sarili niyang anak na dalawang taong gulang lamang. (Basahin: Kahirapan at sakit, posibleng dahilan daw kaya sinaksak ng ina ang 2-anyos na anak) Sinaksak umano ng ginang ang anak sa tiyan at pagkatapos ay sinaksak naman ang sarili. Kapwa sila dinala sa pagamutan kung saan nabuhay ang ginang, pero pumanaw ang kanyang anak. -- FRJ, GMA News