Mga preso sa South Cotabato, humataw sa dance competition sa labas ng kulungan
Kung may ipinagmamalaking “dancing inmates" ang Cebu, mayroon na ring panglaban sa dance floor ang South Cotabato Detention and Rehabilitation Center. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, ipinakita kung papaano pinabilib ng mga inmate sa nasabing piitan ang mga taong nanood sa dance competition sa South Cotabato Gymnasium and Cultural Center sa Koronadal. Dahil may kasamang stunts ang hip-hop choreography ng grupo, walang humpay ang sigawan ng mga nanonood. Habang todo-hataw sa pagsayaw ang mga inmate, masusi naman silang binabantayan ng mga guwardiya ng piitan. Nagawang makalabas ng piitan at makasali sa kompetisyon ang mga inmate bunga na rin ng ipinalabas na kautusan ng korte na payagan silang makalaya panandalian. Nakasali na noon ang grupo sa paligsahan pero ito ang unang pagkakataon na nakasayaw sila sa labas ng kulungan. Masaya naman ang mga inmate dahil kahit papaano ay nakapagbigay daw sila ng kasiyahan sa publiko. - FRJ, GMA News