ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Cebu Gov. Garcia, duda sa motibo sa isinampang kaso sa kanya ng Ombudsman


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Handa umano si Cebu Governor Gwendolyn Garcia na harapin ang kasong katiwalian na isinampa sa kanya ng Office of the Ombudsman kaugnay sa ginawang pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng 25-hektaryang Balili Estate sa Naga City na nagkakahalaga ng P98.9 milyon. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, nagpahayag din ng pagdududa si Garcia sa tunay na motibo sa pagsasampa ng kaso dahil na rin sa “timing" nito. Naghain na ng mosyon sa korte ang kampo ng gobernadora para ipabasura ang reklamo. Si Garcia, kilalang kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at isa sa mga binabanggit na pangalan ng United Nationalist Alliance (UNA) na nais nilang isabak sa senatorial elections sa 2013. Ang kaso ay nagmula sa reklamo ni Crisologo Saavedra, na nalugi umano ang gobyerno sa ginawang pagbili sa lupa dahil malaking bahagi nito ay nakalubog sa tubig. Nitong Biyernes, ipina-raffle na at napunta sa Second Division ng Sandiganbayan ang kaso ni Garcia na two counts ng graft at one count ng technical marversation. Sa isang kaso, kasama ni Garcia sa reklamo sina dating Sangguniang Panlalawigan Member Juan Bolo, ex-chairman ng Cebu Provincial Appraisal Committee (CPAC) at Provincial Assessor Anthony Sususco; dating CPAC member at Treasurer na si Roy Salubre; officer-in-charge Provincial Engineer Eulogio Pelayre; dating Provincial Budget Officer Emme Gingoyon; Amparo Balili at Romeo Balili. - FRJ, GMA News