Gloria Arroyo, pansamantalang nakalaya mula sa VMMC
Matapos ang walong buwang hospital arrest, pansamantalang nakalaya na si dating Pangulo at kasalakuyang Pampanga Rep. Gloria Arroyo ngayong Miyerkules ng hapon. Nakalabas si Gng. Arroyo mula sa kanyang kwarto sa Veterans Memorial Center (VMMC) nitong 2:30 ng hapon, na suot pa rin ang kanyang neck brace, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa radio dzBB. Sumakay siya sa isang Coster sa loob ng VMMC compound. Isinakay din ang mga gamit ni Arroyo sa parehong sasakyan. Sinalubong siya ng mga militante sa labas ng ospital na sumisigaw ng "Gloria ikulong!" at "Magnanakaw!" sa gitna ng mahigpit na seguridad sa lugar. Nitong Miyerkules, pinayagan ng Pasay City court si Gng. Arroyo na maghain ng P1-milyong piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan mula sa pagkakulong dahil sa electoral sabotage case na isinampa laban sa kanya. Samantala, tinanggihan naman ng korte na makapagpiyansa ang mga kapwa niyang akusado, kabilang na sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol. Dinala ni Pasay City court sheriff Rodelio Buenviaje ang release order, na pinirmahan ni Judge Jesus Mupas, pasado alas-2 ng hapon matapos ihain ang bail order. Dumating si Buenviaje bandang alas-2 ng hapon, ngunit ayon sa panayam ng radyo, hinihintay pa nila ang Police Security and Protection Group (PSPG) ng Philippine National Police upang tanggapin ang utos. "Dala ko na ang release order, we are awaiting the PSPG," ani Buenviaje sa panayam ng dzBB radio. Inihayag ni Bam Alegre ng GMA News sa kanyang Twitter account na ayon umano sa anak ni Arroyo na si Lourdes, agad na tutungo ang dating pinuno sa kanyang bahay sa La Vista, Quezon City, upang magpahinga. Sa naunang ulat naman ng dzRH radio, inihanda umano ang bahay ni Arroyo sa La Vista sa Quezon City para sa kanyang pagdating. Protesta vs pagpapalaya ni Arroyo Nagsagawa naman ang mga militanteng grupo ng "emergency protest" upang tutulan ang naging desisyon ng Pasay City court na payagang magpiyansa ang dating pangulo. Hinimok na ng Bagong Alyansang Makabayan ang kanilang mga miyembro na makibahagi sa pagprotesta malapit sa VMMC, kung saan nananatili si Arroyo mula pa noong Diyembre. "Emergency picket will be at VETERANS. GMA has no other warrant against her. She will be freed," ani Bayan secretary general Renato Reyes Jr. sa kanyang Twitter account. Nauna nang itinakda ni Reyes na sa Mabuhay Rotonda, sa boundary ng Manila at Quezon City, magaganap ang emergency protest. Nauna na rin niyang inihayag ang kanyang pagtutol sa "granting of bail" kay Arroyo at kinakailangan umanong magpaliwanag ng Palasyo sa umano'y mahinang kaso laban sa dating pinuno. "Granting of bail to GMA underscores the need to file more cases, stronger cases against the ex-president such as 2004 fraud, human rights abuses and plunder," dagdag niya. Ayon naman kay presidential spokesman Edwin Lacierda, hindi pa makalulusot si Gng. Arroyo sapagkat humaharap din siya sa kasong plunder, na isang non-bailable offense. Motion for reconsideration Samantala, inihayag naman ni Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes Jr. na limitado na lamang ang kanilang magagawa kung "immediately executory" na ang utos, ngunit maaari silang maghain ng motion for reconsideration sa korte. "Kung totoo ang report na bigyan ng bail gusto namin malaman kung ang order is immediately executory or can be subject of a motion for reconsideration. If it will be, we will file a motion for reconsideration," ani Brillantes sa hiwalay na panayam ng dzBB radio. Dagdag ni Brillantes, wala umanong epekto ang pagpayag ng korte na maghain ng piyansa si Arroyo sa aktwal na kasong electoral sabotage. Ayon sa kanya, hindi pa nila naihain ang kanilang mga ebidensya sa pagpapatuloy ng kaso. "We will still go on the merits of the case." Dahil pinayagang maghain ng piyansa si Arroyo, maghahain umano sila ng "additional evidence" laban sa dating pangulo upang patunayan ang kanilang kaso. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News