Justice Carpio, wala raw kinalaman sa pagsibak kay Corona sa puwesto
Iginiit ni acting Chief Justice Antonio Carpio sa Judicial and Bar Council (JBC) nitong Huwebes na nirerespeto niya ang Konstitusyon at hindi siya nakipagsabwatan para matanggal sa puwesto si dating chief justice Renato Corona. “I was accused as one of those who schemed with President (Benigno III) Aquino and Secretary (Mar) Roxas but I never talked to those people," anang mahistrado. “In fact they are saying I will never be appointed because I am not close to the President." Ginawa ni Carpio ang paliwanag mula sa ibinatong mga tanong ni Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., na miyembro ng JBC panel. “You will know that, as I never talked to you," sagot ni Carpio kay Tupas, nagsilbing lead prosecutor sa Senate impeachment hearing sa kaso ni Corona. Paliwanag ni Carpio, pinili niyang manahimik na lamang noong paglilitis dahil hindi niya nais mag-inhibit sa mga kasong kaugnay sa paghahatol sa impeachment ni Corona. Nagpahiwatig noon si Corona na mayroong kapwa niya mahistrado ang nakikipagsabwatan sa Malacanang upang makuha ang pinakamataas na posisyon sa SC. Nang tanungin naman kung naniniwala siyang nasira ba ang korte dahil sa impeachment, sagot ni Carpio: “You have impeached the chief justice—his person, and not the court." Respetuhin ang desisyon ni Aquino Ayon kay Carpio, rerespetuhin niya ang magiging desisyon ni Aquino sa pagpili ng bagong punong mahistrado. Gayunman, maaari umanong magkaroon ng demoralisasyon sa hudikatura kung “outsider" o hindi galing sa SC ang mapipili ng pangulo. Para kay Carpio, ang sobrang dami ng mga kaso ang pinakamalaking problema ngayon sa mga korte. “We have instituted mediation and judicial dispute resolution. In pre-trial, we can still increase the resolution of cases," paliwanag niya. Iminungkahi rin ng acting Chief Justice na dapat magkaroon ng karagdagang pagsasanay sa mga mediator at hukom. May ilan na rin umano siyang programa na ipinatutupad ngayon sa hudikatura. “We have also experimented with trial procedures where in lieu of direct testimony, you have affidavits," ayon kay Carpio. 'The law in its purest form' Ayon kay Carpio, sa kabila ng naganap na impeachment sa punong mahistrado, lubos niyang hinahangaan ang batas. “I find the law in SC the best law that I can find. Here, you apply the law in its purest form," pahayag niya. Kung mahirang, nais ni Carpio na ipagpatuloy ang pagiging “impartial." “I have inhibited in all cases of my former law office," aniya. “I have been inhibiting until now, and will do so until I retire." Inamin din niya na bumoto siya sa pagtanggal sa posisyon ng kanyang fraternity brother sa Court of Appeals. "I have never lobbied with any of the justices for anybody. You can ask them. I don't even visit them in their chambers," pahayag niya. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News