Honest na tricycle driver, tumanggap ng pagkilala at pabuya
Hindi inasahan ng isang tricycle driver sa Kidapawan City na ang ginawa niyang pagsasauli ng naiwang gamit ng kanyang pasahero ay kikilalanin ng lokal na pamahalaan. Sa pangunguna ni City Vice-Mayor Joseph Evangelista, ibinigay ng lokal na pamahalaan ang pagkilala at pabuya sa tricycle driver na si Julito Alidioho nitong Huwebes. “Their upright act inspires people so it’s just but proper we give them commendation and cash incentive," pahayag ng bise-alkalde na dating pinuno ng Committee on Transportation ng Sanggunian. Naisauli ni Aldioho sa may-ari nitong Lunes ang bag na naiwan sa kanyang tricycle. May laman na gamit ang naturang bag kabilang na ang cell phone at laptop. Para matunton ang may-ari ng bag, tinawagan niya ang ilang pangalan sa phone book ng cell phone. Napag-alaman na ang may-ari ng bag ay isang public school teacher na labis na natuwa sa katapatan ng tricycle driver. Ayon kay Aldioho, masaya siya sa natanggap na pagkilala pero hindi umano niya ito inasahan. Ipinapasada lang ni Alidioho ang tricycle kung saan nagbabayad siya ng P150 bawat araw sa may-ari nito. Napag-alaman naman na si Alidioho ang ikaapat na tricycle driver na nabigyan ng pagkilala ng lokal na pamahalaan dahil sa kanilang katapatan. -MCM/FRJ, GMA News