Dengue outbreak, idineklara sa 25 barangay sa Cebu City
Idineklara ng Cebu City Health office ang dengue outbreak sa 25 barangay sa lalawigan dahil sa patuloy na pagdami ng mga tinatamaan ng nakamamatay na sakit. Ilan sa naapektuhang mga barangay ay ang Kalubihan, Cogon Ramos, Sto. Niño, Bacayan at Sambag I, ayon sa ulat ng dzBB-Cebu nitong Biyernes. Umabot na sa 25 katao ang namatay sa rehiyon ngayong taon dahil sa dengue, batay sa talaan ng Department of Health-Region 7 (o Central Visayas). Sa buong rehiyon, nangunguna sa pinakamaraming kaso ng dengue ang Cebu City na nakapagtala ng 2,098 at 10 sa mga ito ang namatay. Pumangalawa naman ang Dumaguete City sa Negros Oriental. Ayon kay Dr. Estella Egonia ng Cebu City Health Department, puspusan na ang kanilang kampanya laban sa dengue, at nakahanda na rin umano ang calamity fund ng lokal na pamahalaan para rito. — LBG, GMA News