Philippine Olympic boxer Barriga, dasal ang pabaon mula sa pamilya
Tanging dasal ang pabaon ng pamilya ng nag-iisang Filipino boxer na si Mark Anthony Barriga para sa misyon nito na makakuha ng kauna-unahang gold medal ng bansa sa idinaraos na 2012 London Olympic na nagsimula nitong Sabado. Sa report ni Glenda Sabenorio ng RGMA-Davao sa DZBB, kumpiyansa ang pamilya ng 19-anyos na si Barriga, residente ng Purok 2, San Vicente, Panabo City, na magtatagumpay ito na makuha ang gold medal sa flyweight (48kg) division. Si Barriga ay kasama sa delegasyon ng 11 atletang Filipino na susubok na makapag-uwi ng mailap ng medalyang ginto. Nagsimulang magsanay bilang boksingero si Barriga noong 9-anyos pa lamang siya; ang kanyang ama ang naging una niyang trainer. Ang amateur boxing career ni Barriga ay nag-umpisa sa Barangay Una Boxing Program sa Panabo City na itinaguyod ni Antonio "Tonyboy" Floirendo, Jr., ang Chief Operating Officer (CEO) ng ANFLOCOR Group of Companies. Maliban kay Barriga, ang iba pang Filipino athletes sa London Olympic ay sila: Jhessie Khing Lacuna – Swimming Jasmine Alkhaldi – Swimming Marestella Torres – Athletics Rene Herrera – Athletics Paul Brian Rosario – Shooting Tomohiko Hoshina – Judo Hidilyn Diaz – Weight lifting Daniel Caluag – Cycling Rachel Ann Cabral – Archery Mark Javier – Archery Mahiti 10,000 atleta mula sa 204 bansa ang magtatagisan sa 26 na palaro sa loob ng 17 araw. – MM/FRJ, GMA News