La Mesa Dam alert level ibinaba na sa 'yellow'
Dahil sa patuloy na pagbuti ng panahon, tuluyan nang bumaba sa "yellow" ang alert level sa La Mesa Dam, ayon sa isang opisyal. Sa isang text message na ipinadala sa GMA News Online, inihayag ni La Mesa head-works manager Engineer Teddy Angeles na bumaba na sa 79.50 meters and water level ng La Mesa Dam ngayong 3 ng hapon ng Linggo. Kasabay nito, ibinaba na sa "yellow" ang alert level matapos ang ilang araw na pagiging "red" nito bunsod ng matinding pag-ulan sa Metro Manila at sa mga katabing probinsya nitong nakaraang linggo. "Alert level: downgraded to YELLOW," kanyang inihayag sa text message. Itinanggal na rin niya ang rekomendasyong "force evacuation" sa mga residenteng apektado sa pag-apaw ng dam nitong nakaraang linggo. Sa kabila nito, dahil sa masamang panahon na nagbabanta ngayong linggo, pinayuhan niya ang mga lokal na pamahalaan at mga residenteng naninirahan malapit sa Tullahan River na magbantay at maghanda sa posibleng paglikas mula sa kanilang lugar. "[LGUs] and responders are informed/ advised to monitor elevation and prepare for evacuation when needed," aniya. Sa bawat pag-apaw ng dam, tumataas ang lebel ng tubig sa Tullahan River, na nakakaapekto sa mga residente ng ilang barangay sa mga lungsod ng Quezon City, Valenzuela, Malabon and Navotas, nauna nang inihayag ni Angeles. Ayon sa kanya, itataas muli sa "red" ang alert level sa oras na tumaas sa mahigit 79.50 meters ang water level ng dam. Nitong Sabado ng umaga, bumaba ng 79.58 meters ang water level sa dam, ngunit nananatili pa ring red ang "alert level," ayon sa nauna niyang text message. - BM, GMA News