PNoy, dismayado sa listahang isinumite ng JBC; Sen. Angara, kontento naman
Muling ipinakita ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang pagiging prangka nito nang ihayag na hindi siya masaya sa listahang isinumite ng Judicial and Bar Council na naglalaman ng walong pangalan na pagpipilian niya bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema. “Am I satisfied? Personally, hindi," pahayag ni Aquino nitong Biyernes nang tanungin kung kontento siya sa listahan na ipinadala ng JBC noong nakaraang linggo. “Pero ganoon pa man din, iyong Constitution, sinasabi, kailangan mamili ako doon sa listahan. Anong gagawin natin? Pipili tayo doon sa listahan bago dumating iyong taning (na August 27)," dagdag ni Aquino. Nabakante ang posisyon ng punong mahistrado nang mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment si dating Chief Justice Renato Corona. Ang walong pagpipilian ni Aquino na ipapalit kay Corona ay sina acting Chief Justice Antonio Carpio, Associate Justices Roberto Abad, Arturo Brion, Teresita De Castro, Lourdes Sereno, Solicitor-General Francis Jardeleza, Ateneo De Manila University Law Dean Cesar Villanueva, at dating Executive Secretary Ronaldo Zamora. Binigyan-pansin naman ni Aquino ang patakaran na hindi isama sa mga nominado ang mga may kinakaharap na kaso – na siyang naging problema ni Justice Secretary Leila de Lima, na hinihinalang "manok" ng Palasyo sa naturang posisyon. “May mga disbarment… Sabi nila sa rules nila, may disbarment, hindi puwedeng i-consider… Iba may kaso, hindi na na-abswelto… Iba naman, wala pang kaso talaga kung tutuusin, e (na-disqualify). So paano naging fair iyon?" ayon sa pangulo. “Cream of the crop’ Kung dismayado si Aquino, kontento naman si Sen. Edgardo Angara sa walong nominado na kabilang umano sa “cream of the crop and jewels of the judicial sectors." Nagbabala din ang senador na magiging insulto sa mga kasapi ng JBC kapag isinauli ni Aquino ang listahan at humingi ng panibagong mga pangalan. “Theoretically, it can be returned back to JBC, but it is a slap to JBC, as the constitutional mechanism for screening candidates in the Judiciary. It is a constitutional requirement, but sakaling ibabalik niya, hindi magandang precedent ‘yan, unless there is a compelling reasons. But I don’t see anything," paliwanag ni Angara, isang abogado. Dagdag pa ng senador, mahuhusay ang 22 nominado na sinala ng JBC kaya wala siyang nakikitang dahilan para isauli pa lupon ang nakalusot na walong nominado. “Kung ibabalik, more or less the same list will also be submitted to you, it could be in a short list or mid list, medyo iba. But from the cohorts you will chose will also be the same," aniya. - RE/FRJ, GMA News