ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang babaeng Chief Justice, hinirang ni PNoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pinili ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III bilang bagong Chief Justice ang unang mahistrado na itinalaga niya sa Korte Suprema na si Associate Justice Lourdes Sereno. Papalitan sa puwesto ni Sereno, 52-anyos, ang pinatalsik na dating punong mahistrado ng SC na si Renato Corona matapos i-impeach ng Kongreso. Si Sereno ang ika-24 punong mahistrado ng SC at kauna-unahang babaeng punong mahistrado sa kasaysayan ng bansa. Tatagal ang kanyang panunungkulan hanggang 2030 hanggang sa abutin niya ang retirement age na 70. Dahil dito, bukod kay Aquino, dalawang pangulo pa ang aabutin ng termino ni Sereno bilang punong mahistrado. Ang susunod na pampanguluhang halalan ay sa Mayo 2016 na pagtatapos ng anim na taong termino ni Aquino. Tumagal man ng 18 taon ang termino ni Sereno bilang punong mahistrado, hindi pa rin siya ang magiging pinakamatagal na punong mahistrado na namumuno sa SC. (Basahin kung sino ang unang Chief Justice at tumagal ng 19 na taon sa puwesto). “In the midst of this period of deep mourning for the loss of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, the President is cognizant of his constitutional duty to appoint the next chief justice of the Philippines. He has therefore decided to appoint Associate Justice Maria Lourdes Punzalan Aranal-Sereno as the 24th Chief Justice of the Supreme Court," nakasaad sa pahayag ng Office of the Presidential Spokesperson nitong Biyernes. “The President is confident that Chief Justice Sereno will lead the judiciary in undertaking much-needed reforms. We believe the Judicial Branch of government has a historic opportunity to restore our people’s confidence in the judicial system," dagdag pa sa pahayag. Noong Hunyo, inihayag ni Aquino na handa niyang baliin ang tradisyon sa pagpili ng chief justice kaya naman nagkaroon ng katanungan kung gagawa siya ng kasaysayan sa pamamagitan ng paghirang ng kauna-unahang babaeng punong mahistrado ng bansa. (Basahin: PNoy, magtalaga kaya ng unang babaeng punong mahistrado ng Korte Suprema?) Ngunit bago si Sereno, unang lumutang ang pangalan nina Justice Secretary Leila De Lima at Commissioner Kim Henares ng Bureau of Internal Revenue na maaaring maging kapalit ni Corona. Si Sereno ay una sa tatlong mahistrado na itinalaga na ni Aquino sa SC mula nang mahalal siyang pangulo ng bansa noong 2010. Ang dalawa pang mahistrado ay sina Associate Justices Bienvenido Reyes at Estela Perlas-Bernabe. Ayon kay Tony Laviña, Dean of Ateneo's School of Government, disiplinado si Sereno sa pagpapaliwanag ng batas at nakabatay ito sa kapakanan ng bansa. "I have always admired her tenacity to argue. She is pro-poor and a fighter. Her heart is in the right place," pahayag ni Laviña na matagal nang kakilala ng bagong punong mahistrado. Hanggang Lunes, Agosto 27, ang taning kay Aquino alinsunod sa batas sa pagpili ng bagong mahistrado mula sa walong pangalan na isinumite ng Judicial and Bar Council. Bukod kay Sereno, kasama sa pinagpilian ni Aquino sina acting Chief Justice Antonio Carpio; Associate Justices Roberto Abad, Arturo Brion, at Teresita De Castro; Solicitor-General Francis Jardeleza; Ateneo De Manila University Law Dean Cesar Villanueva: at dating Executive Secretary Ronaldo Zamora. Matapos isumite ng JBC sa Palasyo ang listahan ng walong nakalusot sa pagsala ng mga nominadong papalit kay Corona, sinabi ni Aquino na hindi siya masaya sa mga pangalang isinumite sa kanya. (Basahin: PNoy, dismayado sa listahang isinumite ng JBC; Sen. Angara, kontento naman) Gayunman, hindi na ibinalik ni Aquino sa JBC ang listahan at sinabi ng pangulo na susundin niya ang batas sa pagpili sa mga inirekomenda ng konseho. Bago mapunta sa SC, ilan sa mga naging trabaho ni Sereno ay ang pagiging executive director ng Asian Institute of Management, consultant sa judicial reform ng United Nations Development Program, at legal counsel ng iba’t ibang government agencies kabilang na ang Office of the President, Office of the Solicitor-General, Manila International Airport Authority, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, WTO-AFTA Commission, at Philippine Coconut Authority. Nakuha niya ang kanyang undergraduate degree sa Ateneo de Manila University at nagtapos ng abogasya sa UP Diliman, na graduated cum laude at valedictorian. Nagpasalamat Sa kanyang maigsing pahayag nitong Biyernes, pinasalamatan ni Sereno ang Diyos at si Pangulong Aquino sa ibinigay na tiwala sa kanya, at maging ang media. "First of all, I give all the glory to God. The President, I thank you very much… and the media for partnering with us, the judiciary," ayon sa bagong punong mahistrado. Idinagdag niya na magpapalabas na lamang siya sa susunod ng mas mahabang pahayag. – FRJ, GMA News