ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palace Exec: Kapalit ni Robredo malalaman sa susunod na linggo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inaasahang ihahayag ni Pangulong Benigno Aquino III ang papalit kay yumaong Jesse Robredo bilang Interior secretary bago umalis ang pangulo patungong Russia sa susunod na linggo upang dumalo sa APEC Economic Leaders meeting, ayon sa tagapagsalita ng Palasyo. Sa isang press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda na pipili si Aquino ng susunod na pinuno ng DILG "most definitely" bago siya umalis patungong Russia sa darating na Setyembre 7. Ayon kay Lacierda, wala pang nababanggit ang Pangulo kung sino ang maaaring pumalit kay Robredo, na namatay sa pagbagsak sa Masbate ng sinasakyang eroplano noong Agosto 18. Ayon sa kanya, nais ni Aquino na panatilihin ng susunod na pinuno ng DILG ang repormang isinusulong ng administrasyon. "Secretary Robredo has done so much for the improvement of local governance... so reforms that have been started by Secretary Robredo will be a continuing policy under the new... whoever will be the new Secretary of Interior and Local Government," aniya. Kasalukuyang umuupo bilang officer-in-charge ng DILG si Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. Pinamumunuan ng DILG ang Local Government Academy, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Public Safety College, at ang National Police Commission. Sa ngayon, may ilang mga pangalan nang lumulutang sa mga maaaring pumalit kay Robredo. Ang mga ito ay sina Vice President Jejomar Binay, Senator Panfilo Lacson, Rep. Jun Abaya, Transportation Secretary Mar Roxas at Albay Gov. Joey Salceda. Miyembro ang tatlong huling nabanggit sa ruling Liberal Party. Noong Martes, inihayag na ni Binay na hindi siya interesado sa DILG posisyon kahit na ialok ito sa kanya ni Pangulong Aquino. Namatay din sa plane crash ang pilot at co-pilot ng Piper Seneca plane bumagsak. Tanging ang aide-de-camp lamang ni Robredo na si Senior Inspector June Abrazado ang nakaligtas sa trahedya. Na-cremate ang mga labi ni Robredo noong Martes sa Naga City matapos biyang ng state funeral. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News