ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

New Bilibid Prison, dapat na raw ibenta; gobyerno, puwedeng kumita ng $1 bilyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iminungkahi ng isang senador na dapat nang ibenta ang loteng kinatitirakan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa na tinatayang nagkakahalaga umano ng $1 bilyon. Ang mungkahi ay ginawa ni Senador Franklin Drilon nitong Miyerkules sa pagdinig ng Senado tungkol sa budget ng Department of Justice (DOJ) para sa taong 2013. Ayon kay Drilon, tinatayang kikita ang gobyerno sa pagbebenta ng lupain ng NBP nang hanggang $1 bilyon, na maaari naman umanong gastusin sa pagpapatupad ng regional prison system sa bansa. Payo pa ng senador, maaaring pangasiwaan ng Privatization and Management Office ang transaksyon sa gagawing pagbebenta ng NBP. Paliwanag naman ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III, nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa Department of Finance at Housing and Urban Development Coordinating Council para sa posibleng paglilipat ng NBP sa ibang lugar. Ayon kay Drilon, maaaring simulan ng gobyerno ang regional system para sa mga bilanggo sa ilalim ng national penitentiary program. Sa ilalim ng programa, magtatayo ng mga bilangguan sa bawat rehiyon at doon na lamang ikukulong ang mga akusadong napatunayang nagkasala ng korte. Sa ganitong sistema, sinabi ng mambabatas na maaaring ma-decongest ng mga kulungan sa bansa at mapapalapit din ang mga bilanggo sa kanilang mga kamag-anak. "[The] rehabilitation of prisoners can be better served when their relatives can visit them… And certainly people in Visayas and Mindanao have difficulty going to Muntinlupa to visit their prisoner-relatives," paliwanag ni Drilon. Kasama sa mungkahi ng senador ang pagpapalawak sa piitan sa Leyte na nakatayo sa 861-ektaryang lupain ng gobyerno. "We can expand the Leyte prison system so that it can become a regional prison system for the Visayas. Also, in Mindanao, we have several detention centers there that can be expanded so prisoners can be incarcerated in Mindanao’s detention center," patuloy ni Drilon. Nitong 2011, umaabot sa 36,295 ang kabuuang bilang ng mga bilanggo sa Pilipinas. Ngunit ang kapasidad ng kasalakuyang prison system sa bansa nasa 17,719 lamang, ayon kay Drilon. - MAndy Fernandez/FRJ, GMA News