Gloria Arroyo, pinayagang tanggalin ang neck brace paminsan-minsan
Matapos gamutin dahil sa problema sa paglunok ng pagkain noong ika-2 ng Agosto, bahagyang bumuti na ang kondisyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pinayagan siyang tanggalin paminsan-minsan ang kanyang titanium neck brace. Sa ulat ng radio dzBB nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Gng. Arroyo, na kapag tinanatanggal ang brace, makagagalaw ng normal ang leeg ng dating pinuno, na makatutulong din para lumakas ang kanyang neck muscles. Sa kabila nito, kinakailangan pa ring isuot ang brace kung ang dating pangulo ay aakyat ng hagdanan, o kaya'y lalabas ng bahay. Inatasan si Arroyo ng kanyang mga duktor na isuot ang kanyang brace matapos siyang dalhin sa St. Luke's Medical Center dahil sa "pinched nerve" noong 2011. Noong ika-2 ng Agosto, isinugod siya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City matapos siyang mabulunan ng isang piraso ng melon at "bacon-like" meat. Pinayuhan ni VMMC head Dr. Nona Legaspi si Arroyo na magpahinga sapagkat nagmukha umano siyang dehydrated at "very weak" nang dalhin sa ospital. Ayon sa kanya, kinakailangan umanong magpahinga at magpagaling ang dating pinuno. Payo rin ni Legaspi, kinakailangang pilitin ni Arroyo ang kanyang sarili na kumain. Noong Hulyo, nakalabas sa VMMC si Arroyo matapos siyang payagan ng Pasay court na maghain ng P1-milyong piyansa para sa electoral sabotage na kasong kanyang ikinahaharap. Sumailalim si Arroyo sa hospital arrest sa loob ng walong buwan, mula Nob. 15 ng nakaraang taon, una sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City, at sa VMMC simula noong Disyembre. Maaari namang muling arestuhin si Arroyo sa utos ng Sandiganbayan kung saan sinampahan siya ng kasong plunder kaugnay ang naganap na umano'y iregularidad sa Philippine Charity Sweepstakes Office. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News