ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Tsinelas leadership' ni Robredo bibigyang-pugay ng RMAF


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bibigyan ng tribute ng Ramon Magsaysay Award Foundation sa Biyernes ng hapon ang namayapang promotor ng tinatawag na "Tsinelas leadership" na si Jesse Robredo, ang dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Gagawin ang pagpupugay sa Philippine International Convention Center (PICC) dakong alas-4 ng hapon na nakatakdang dadaluhan ni Pangulong Benigno Aquino III, ayon sa ulat ni Tuesday Niu sa DZBB. Ayon kay RMAF Communications Director Manuel Hizon, mahalagang maalala ang mga magagandang nagawa ni Robredo para sa bansa kahit sa maliit lamang na paraan. Sa gagawing pagpupugay, isasagawa ang isang video presentation tungkol sa kalihim at mayroon ding photo exhibit. Inahalintulad ng RMAF si Robredo sa dating pangulo na si Ramon Magsaysay na namatay din sa plane crash. Matatandaang bumagsak ang eroplano na sinasakyan ni Magsaysay sa Mt. Manunggal sa Cebu noong ika-16 ng Marso 1967. Si Robredo naman ay namatay kasama ang dalawang piloto ng bumagsak sa karagatan ng Masbate ang Piper Seneca plane na sinasakyan nila galing Mactan Island sa Cebu na papunta sana sa Naga City sa Bicol. Ang pagkakahawig ng buhay nina Magsaysay at Robredo ay pareho silang nakatanggap ng todong pagpugay at pakikiisa ng mga mamamayan nang sila'y mamatay. Pareho din umanong mahal na mahal ng publiko sina Magsaysay at Robredo dahil sa taglay nilang kababaan ng loob, pagiging simple at maka-masang tatak ng pamamahala. Si Robredo ay nabigya ng Ramon Magsaysay Award noong taon 2000, at anim pa'ng mga indibidwal mula sa ibang bansa. — LBG, GMA News