78-anyos na lola namatay sa nerbiyos dahil sa lindol
Bigla na lamang umanong na bumagsak at tuluyan ng namatay ang isang 78-anyos na lola sa Barobo, Surigao del Sur, dahil sa nerbiyos sa kasagsagan ng malaks na lindol noong Biyernes ng gabi. Sa isang text message sa GMA News Online, kinilala ni Gloria Moran ang biktima na si Josefina Malinao, residente ng barangay Poblacion sa Barobo. Si Moran ay apo ni Malinao. Ayon kay Moran, magkatabing bahay lamang niya ang kanyang lola. Maaga umanong natulog ang biktima bago pa nangyari ang lindol. Biglang nagising ang lola dahil sa mga sigawan at sa malakas na pagyaning ng kanilang bahay dahil sa lindol, ayon kay Moran. Bigla na lang umanong bumangon ang matanda, sabay tanong sa anak niya na kasama niya sa bahay kung lumilindol ba. "Kalit ra gyud pagbangon niya, nangutana siya kung linog ba, nag-ingon iya anak, 'oo', ayaw pagtindog. Sus, taud-taod naa nay milagapak. Siya na diay to nalipong seguro," ayon pa kay Moran sa kanyang text message. (Bigla siyang bumangon, at nagtanong siya kung may lindol ba. Sumagot naman ang kanyang anak na oo, at sinabihan siya na huwag gumalaw. Maya-maya, may biglang kumalabog. Siya na pala iyon na posibleng nahilo). — LBG, GMA News