Ramgen Revilla case: Kasong pagpatay vs Gail Bautista at asawa nito, ibinasura ng piskalya
Ibinasura ng Parañaque City Prosecutors Office nitong Miyerkules ang reklamong murder at frustrated murder laban sa mag-asawang Gail Bautista at Hiro Furiyama kaugnay sa pagpaslang sa aktor na si Ramgen Revilla noong nakaraang taon. Ayon sa ulat News TV Live sa GMA News TV, nakasaad umano sa anim na pahinang resolusyon na nabigo ang kampo ni Janelle Manahan, kasintahan ni Ramgen, na maglabas ng sapat na ebidensiya upang idiin sa kaso ang mag-asawa. Nasangkot ang mag-asawa sa pagpatay kay Ramgen dahil sa affidavit ni Janelle at testimonya ng iba pang akusadong sina Francis Tolisora at Micheal Nartea, ayon sa ulat. Sa mga naunang panayam, iginiit ng mag-asawa na wala silang kinalaman sa pagpatay kay Ramgen. Malubhang nasugatan pero nakaligtas si Janelle nang pasukin ng suspek ang bahay ni Ramgen sa BF Homes, Parañaque noong Oct. 8. Binaril at nasaksak si Ramgen ng suspek, habang nabaril sa pisngi si Janelle. Kabilang din sa mga suspek sa kaso ang dalawa pang kapatid ni Ramgen na sina Ramon Joseph Bautista at Maria Ramona Bautista. Ayon kay Manahan, nagsabwatan umano ang apat sa planong pagpatay sa kanyang nobyo. Si Ramgen ay anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News