We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Masarap at masustansiyang pandesal. Ito ang planong palawakin ng isang panadero sa Bulacan kaugnay sa ilulunsad na âpinakbet" pandesal sa Enero 2013. Sa taunang Singkaban Fiesta na ginanap sa kapitolyo ng lalawigan, nagpatikim ang mga panadero ang kanilang kakaibang tinapay nang ipakita ang mga pandesal na may sangkap na gulay katulad ng malunggay, kalabasa at ampalaya. Layunin ng pamahalaang panlalawigan at mga panadero sa Bulacan na makalikha ng masustansiyang tinapay na ihahanda sa mga hapag-kainan kaya sinangkapan nila ng mga gulay ang mainit na pandesal. Ayon kay Evelyn Dumlao, may-ari ng Enlinâs Bakeshop, nakahanda na silang ilunsad ang pinakbet pandesal sa Enero ng susunod na taon. Tulad sa lutuing pinakbet, ang mga gulay dito ay pagsasama-samahin umano sa pandesal. Ngunit bago matikman ang pinakbet pandesal sa 2013, sinabi ni Dumalo na sa darating na Oktubre ay ibibida muna nila ang pandesal na may sangkap na saluyot.
Ipinakikita ni Evelyn Dumlao ng Enlin's Bakeshop sa Bulacan ang pandesal na sinangkapan ng ampalaya. Sa susunod na taon, ilulunsad nila ang pinakbet pandesal matapos ang paglulunsad ng saluyot pandesal sa Oktubre. RRamos
Taong 2008 nang inilunsad ng panaderya ang pandesal na may sangkap na malunggay, kalabasa at ampalaya. Ito ay nabibili na sa ilang sangay ng Elinâs sa Hagonoy, Meycauayan at Malolos. Naisipan daw nilang ihalo ang gulay sa pandesal dahil na rin sa problema ng maraming magulang na mahirap pakainin ng gulay ang mga bata. Ang pandesal de ampalaya, mainam umano sa mga may sakit na diabetes. Sariwang gulay umano ang inihahalo nila sa pandesal, ayon kay Dumlao. Bagaman walang pait na malalasahan, naiiwan naman daw pandesal ang sustansiya ng ampalaya. Ang inobasyon sa pandesal ay patunay na malikhain ng mga panedero at mahigpit na kumpetisyon sa industriya ng panaderya sa lalawigan. Ayon naman kay Teresita Boado, nagtatag ng Barasoain Bakeshop na mahigit 50 taon na sa industriya, ang inobasyon ay naghahatid ng mas mataas na kalidad ng produkto ng tinapay sa Bulacan na nakabubuti sa mga mamimili. Kilala ang Barasoain Bakeshop sa natatangi nitong ensaymadang Malolos at inipit. Sinabi ni Cornelia Reyes, isa mga namamahala sa Barasoain Bakeshop, magsasagawa rin sila ng dagdag na inobasyon sa kanilang mga produkto. Bukod sa malunggay at kalabasa, plano rin nilang sangkapan ng iba pang gulay ang gagawin nilang pandesal. - RRamos/FRJ, GMA News