ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNP Chief Bartolome gustong tapusin muna ang termino hanggang Marso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nais ni Philippine National Police Chief Director General Nicanor Bartolome na tapusin muna ang kayang termino bago magretiro bilang hepe ng PNP. Sa ulat ni Tuesday Niu sa dzBB, sinabi ni Bartolome na wala pa siyang plano na mag-early retirement, at hanggang Marso 16, 2013 pa ang kanyang termino. Dagdag pa ni Bartolome, maigi na rin munang hintayin na lamang ang pag-uusap nila muli ni Pangulong Benigno Aquino III para sa kung anuman ang magiging pinal na desisyon. Matatandaang inanusyo ni Aquino habang nasa Russia ito para sa APEC summit, na gusto sana niyang ipalit si Bartolome sa puwesto ng nag-resign na si Rico Puno, dating Undersectretary ng Department of Interior and Local Government (DILG). Noong Miyerkules, sinabi ng Pangulo na wala pa siyang mailalagay sa iniwang puwesto ni Puno. Sinabi din ni Aquino na mas mabuting si incoming DILG Secretary Manuel "Mar" Roxas II na lamang ang pumili ng mga taong gusto niyang gawing undersecretaries. Samantala, itinanggi naman ni Bartolome na may balak siyang pasukin ang pulitika. Sinabi ni Bartolome na para sa isang tao na nagserbisyo na ng mahabang panahon sa bayan – 36 na taon – mas gugustuhin umano niya ang magpahinga na muna, o bumalik sa pribado o tahimik na buhay matapos magretiro. — LBG, GMA News