Lalaking hinihinalang sinapian ng masamang espiritu, napatay daw ng albularyo nang isailalim sa ritwal
Isang lalaki na sinapian umano ng masamang espiritu ang sinasabing napatay sa isinagawang ritwal ng isang albularyo sa Cauyan, Isabela. Samantala sa Umingan, Pangasinan, pinabindisyunan na ang Flores National High School kung saan naganap naman ang umano’y pagsanib din ng masamang espiritu sa ilang mag-aaral doon kamakailan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing napansin ng mga kamag-anak ng lalaki sa Isabela na naging kakaiba ang kilos nito kaya dinala nila sa isang albularyo. Nang dalhin sa albularyo, pinagsusuntok, sinakal at binuhusan din umano ng kumulong tubig ng albularyo ang biktima. Hinayaan lang daw ng kapatid ng biktima ang lahat dahil sa paniwalang bahagi ito ng ritwal na paalisin ang masamang espiritu. Ngunit nang hindi na umano gumagalaw ang biktima, biglang tumakas ang albularyo. Sa isinagawang pagsusuri sa mga labi ng biktima, lumitaw na nagkaroon ito ng mga bali sa katawan at mga pasa. Sanib sa Pangasinan? Samantala, isinagawa na ang pagbasbas sa Flores National High School sa Umingan, Pangasinan matapos sapian umano ng masamang espiritu ang ilang estudyante doon. Binalikan din ang bahay na sinasabing pinuntuhan ng mga estudyanteng sinapian sa pag-aakalang may nabulabog na kaluluwa dito ang mga kabataan. Batay umano sa kwento ng ilang bata, may buto daw doon na binaon na kailangang nahukay para hindi na manggambala ng iba. Pero matapos isagawa ang paghuhukay sa bahay na pag-aari ni Guadalupe Pablo, walang nakitang buto o kalansay. Dagdag pa ni Pablo, wala naman siyang nararamdamang kakaiba sa bahay na itinayo 80 taon na ang nakararaan. Bukas naman ang mga guro at mag-aaral na ipasuri sa doktor ng mga sinapian umanong estudyante. - FRJ, GMA News