NDRRMC: 7 katao patay, 5 nawawala sa lumubog na bangka sa Tawi-Tawi
Pito katao – kabilang ang tatlong bata – ang namatay, habang limang iba pa ang naiulat na nawawala matapos lumubog ang isang bangka sa karagatan ng Tawi-Tawi noong Martes ng gabi. Sa updated report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, sinabing 15 pasahero din ng bangka ang nasagip sa naganap na sakuna. Lumubog ang bangkang M/T Temper Siraina sa Tampat Pt., Pasiagan, Bongao, matapos itong hampasin ng malalakas na alon. Papunta umano ang nasabing sasakyang pandagat sa Bongao, Tawi-Tawi mula sa isla ng Sipangkot. Nakaligtas naman sa sakuna ang may-ari ng bangka na kinilala sa report na si Munib Baki. Kasama ang tatlo pang survivor, nakayanan nilang lumangoy patungo sa pinakamalapit na dalampasigan ng barangay Pasiagan, Bongao. Pagkarating sa dalampasigan, agad nilang inireport sa mga awtoridad ang nangyari sa kanilang trahedya. Tatlo sa pitong namatay ang kinilala sa NDRRMC report na sila Arbiyah Liyoh, 35-taong gulang; Ping Liyoh, 4; at si Tita Liyoh, 8. Isa naman sa limang nawawala ay kinilalang si Annaliza Hamsiri. Ang mga nakaligtas ay kinabibilangan nina Ayob Abdulhadi, 35; Benhar Abdulmanan, 21; Rizal Abdulmanan, 21; Baniza Adjung, 9 months old; Imam Muallan Adjung, 60; Malin Adjung, 40; Bakki Munib, 48; Dading Jani, 39; Julsani Julkipli, 15; Aldin Munib, 14; Alvin Munib, 20; Arnel Munib, 17; Dasri Badday, 17; Sharifa Barahim, 17; at Nurjiya Isdali, 17. Sa report naman ni Carlo Mateo sa DZBB, sinabi ni Lt Commander Armand Balilo, tagpagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), na nagtutulungan na ngayon ang PCG at ang Philippine National Police (PNP) sa Tawi-Tawi sa isinagawang search and rescue operations. Ang probinsiya ng Tawi-Tawi ay nasa dulo ng Mindanao at malapit na sa bansang Malaysia. Ang bayan ng Sibutu sa Tawi-Tawi ay 14 kilometro lang ang layo sa Sabah, Malaysia. -- MM/FRJ, GMA News