42 katao patay sa dengue sa Davao City sa taong ito — health official
Umaabot na sa 42 ang bilang ng mga na namatay sa dengue sa taong ito sa Davao City, ayon sa city health official doon. Sa ulat ni Erning Arenas ng RGMA-Davao sa DZBB, iginiit din ni Dr. Josephine Villafuerte, hepe ng City Health Office, na hindi nagpabaya ang kanilang tanggapan sa pagpaalala sa gitna ng patuloy na kampanya laban sa dengue. Dagdag pa ni Villafuerte, marami pa rin sa mga residente ng siyudad ang hindi naging maingat. Sinabi rin niya na kahit ilang ulit nilang hinikayat ang mga mamamayan na maglinis araw-araw sa loob at labas ng kanilang mga bahay, mayroon pa rin umanong mga ilan na "ningas cogon" ang paglilinis. Muli namang hinikayat ni Villafuerte ang mga taga-Davao City na ipagpatuloy ang paglilinis sa kanilang mga lugar at huwag nang hintayin pa na may magkasakit at mamatay na miyembro ng pamilya bago seryosohin ang paglilinis at pagpuksa sa mga lamok sa kapaligiran. — LBG, GMA News