ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Roxas, nanumpa bilang bagong DILG chief; magbabakasyon bilang LP president


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nanumpa na kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Sabado si Secretary Manuel “Mar" Roxas II bilang bagong pinuno ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ginawa ang seremonya ng panunumpa ni Roxas sa reception hall ng Malacañang dakong 11:30 a.m. nitong Sabado. Sinaksihan ito ng misis ni Roxas na si Korina Sanchez at ilang opisyal ng Liberal Party (LP). Pinalitan ni Roxas sa DILG si dating Sec. Jesse Robredo, na nasawi sa plane crash sa karagatan ng Masbate noong nakaraang buwan. Dumalo rin sa oath-taking ni Roxas sa Palasyo ang biyuda ni Robredo na si Atty. Leonor. Tumanggi naman si deputy presidential spokesperson Abigail Valte na magkomento kung papaano babalansihin ni Roxas ang kanyang posisyon bilang kalihim ng DILG at presidente ng LP. "Perhaps when you can ask him... about the two particular hats," pahayag ni Valte sa panayam ng dzRB nitong Sabado. Kabilang sa tungkulin ng kalihim ng DILG ang pangangalaga sa kapakanan ng lokal na pamahalaan na pinamumunuan ng mga lokal na opisyal mula sa iba’t ibang partido. Sa pagkuha ni Roxas sa puwesto ng DILG, binitiwan nito ang dating pinamumunuang ahensiya na Department of Transportation and Communication (DOTC), na ipinagkatiwala naman kay Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya. Si Roxas ay nagsilbi na ring kongresista ng unang distrito ng Capiz, at naging kalihim ng Department of Trade and Industry sa ilalim ng administrasyong nina dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo. Pahinga muna sa LP Sa panayam ng dzRB, sinabi ni Roxas na magli-leave muna siya bilang pangulo ng LP upang matutukan ang trabaho bilang pinuno ng DILG. “Tinatanggal ko kung anumang maaring maging conflicts, iniiwasan ko anumang maaring maging conflict nang sa ganoon magampanan ng tama ang aking trabaho," ayon sa kalihim. Malalaman naman sa Lunes kung sino ang mamamahala sa kampanya ng mga kandidato ng LP para sa nalalapit na 2013 elections. — FRJ, GMA News

Tags: dilg, marroxas