ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng UST student, nasaksak sa loob ng FEU campus


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang babaeng estudyante ng University of Santo Tomas (UST) ang nakaratay ngayon sa ospital matapos masaksak sa loob ng campus ng Far Eastern University (FEU) sa Manila nitong Martes ng gabi. Sa ulat ng dzBB radio, sinabing manonood sana sa film showing sa loob ng FEU ang biktimang si Joanne Lourdes Reyes nang saksakin ito ng salarin. Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang tinatayang “apat hanggang anim" na salarin. Sa isang pahayag na ipinalabas ng FEU na nakalagay sa kanilang Facebook page, ipinahayag nila ang matinding kalungkutan sa nangyaring insidente at nangakong makikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon. "Far Eastern University regrets the alleged stabbing incident that occurred on campus last night, October 2, 2012, and is taking the matter very seriously. All the initial facts pertaining to the case were gathered and have been turned over to the authorities last night," ayon kay Albert Cabasada III, FEU director for admissions and external relations. "The victim has been reported to be in stable condition at the present time," dagdag niya. Sinabi ni Cabasada na lubos na nakikipagtulungan ang FEU sa imbestigasyon at ipasusuri ang kuha sa closed-circuit television (CCTV) sa loob ng campus. Tumulong din umano ang FEU Student Affairs at Security Offices kay Reyes para madala sa Chinese General Hospital, ayon pa kay Cabasada. Gumagawa din umano kaukulang hakbang ang FEU para mapabuti pa ang seguridad at kaligtasan sa pamantasan. — FRJ, GMA News