ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nag-‘like,’ ‘share’ at ‘retweet’ ng libelous post, puntirya nga ba ng Cybercrime Prevention Act?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi pa man naipapasa ang kontrobersiyal na Cybercrime Prevention Act, inihayag ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na halos 85 porsiyento ng natatanggap nilang reklamo ay may kaugnayan na sa libelo. Pero sa panayam ni Howie Severino sa GMA News TV’s News To Go, nilinaw ni DOJ Assistant Secretary Geronimo Sy, mamumuno sa itatatag na cybercrime unit ng DOJ, na hindi ang mga ganitong reklamo ang bibigyan nila ng prayoridad. Ayon kay Sy, ang mga malalaking krimen at sindikatong nag-ooperate sa Internet ang unang pupuntiryahin ng kanilang ahensiya sa ilalim ng ipinasang Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act. Bago umano maipasa ang naturang batas, sinabi ng opisyal na itinuturing “safe haven" ng mga cyber criminal ang Pilipinas dahil sa kawalan ng batas na uusig sa kanilang iligal na gawain. Kamakailan lang umano ay mahigit 300 dayuhan na sangkot sa pangloloko o fraud gamit ang Internet ang nadakip at ipinatapon ng Pilipinas. Sinabi rin ni Sy na 2001 pa lang ay nakita na ang pangangailangan na pag-ibayuhin ang kapasidad ng mga awtoridad sa cyber forensic para malutas ang cyber crime dahil sa nangyaring pagpapakalat noon ng virus sa Internet. Sa paglipas ng panahon, nakita umano nila ang mabilis na pagtaas ng mga criminal activity sa Internet, at ang kawalan ng sapat na batas para usigin ang mga sangkot sa cyber crime. Paliwanag ni Sy, ang cyber forensic ay walang pinag-iba sa tradisyunal na forensic na naghahanap ng paraan para malutas ang krimen gamit ang mga pisikal na ebidensiya katulad ng fingerprint o DNA. Pero ang cyber forensic, sa computer o software at internet connection itutuon ang atensyon para nalutas ang kaso o maparusahan ang mga sangkot sa cyber crime gaya ng child pornography, hacking at iba pa. Pinawi ni Sy ang pangamba ng ilan na maging ang simpleng pag-‘like’, ‘share,’ 'comment,' o pag-‘retweet’ ng mga malisyoso o libelous na mensahe sa mga networking site ay maaaring maging daan para makasuhan ang isang gumagamit ng Internet. Ayon sa opisyal, kung mayroon man reklamo tungkol sa malisyoso o libelous na post, ang pangunahing pinagmulan nito ang dapat na pagtuunan ng pansin. Nanindigan din siya sa kahalagahan ng cybercrime law para mapigil ang kriminal na aktibidad sa Internet. Aniya, mas malala rin umano kung idadaan sa Internet ang paninira sa isang tao dahil mas mabilis itong kumalat at may paraan pa na magtago ang may pakana nito gamit ang pekeng account. Sa pamamagitan ng mga tauhan ng cybercrime unit na DOJ na tinawag niyang “white hackers," kaya umanong matukoy ang mga sangkot sa krimen sa Internet at maging ang mga hacker. Paglalarawan ni Sy, ang mga “white hacker" ay mga computer programmer na ‘on the good side of the law.’ “Dati kasi ang impression ng tao kung nakatago ka sa internet, naka-laptop o nagte-text untraceable ka na kaya may impunity. Ang lakas ng loob mag-cyber bully, cyber sex, nagnakaw on line, kasi ang impression nga hindi kaya ng state to protect yung victim ng crime," ayon sa opisyal. “Pero ngayon ang development kasi ng ICT simple lang naman; kung mayroon kang laptop, may internet connection ‘yan. Pumasok ka sa internet connection meron kang ginawang kalokohan, yung pagpasok mo (pag-connect) parang pagpasok ng bahay ‘yan, pagpasok ng opisina ‘yan, there has to be log, there has to be traces. So ‘yon ang umpisa kung paano maprotektahan yung ating infrastructure," paliwanag niya. -- FRJimenez, GMA News