13-anyos na lalaki sa Iloilo, kinursunada; pinilit daw painumin ng alak, nilagyan pa ng sili ang salawal
Isang 13-anyos na lalaki ang kinursunada umano ng pitong kabataan na kaeskwela niya sa Calinog, Iloilo. Bukod sa gulpi at pilit na pagpapainom ng alak, binalak pa umanong lunurin ang biktima. Sa ulat ni GMA-Iloilo reporter Julius Belacaol sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing lima sa mga suspek ay menor de edad din, habang 18-anyos naman ang dalawang iba pa. Kuwento ng biktima na nag-aaral sa Calinog National Comprehensive High School, papunta siya sa bahay ng kanyang kaklase nang madaanan niya ang grupo ng mga suspek na nag-iinuman. Pinalibutan umano siya ng grupo at hinawakan sa kamay at pilit na pinainom ng alak. Hindi pa nakontento, itinali din umano siya sa duyan at nilagyan ng sili ang kanyang salawal. Dagdag pa ng biktima, dinala rin siya ng grupo sa ilog at tinangkang lunurin. Nakaligtas lang daw siya nang may mapadaan na kagawad ng barangay na tumulong sa kanya. Labis naman ang galit na nararamdaman ng ama ng biktima dahil sa ginawa sa kanyang anak na wala umanong bisyo at pag-aaral ang nasa isip. Ayon sa pulisya, mahaharap sa kasong paglabag sa child abuse law ang mga suspek. Tumanggi naman ang kampo ng mga suspek na magsalita tungkol sa alegasyon laban sa kanila. Pero nang makausap umano ng barangay ang mga suspek, iginiit nila na kusang sumali sa kanilang inuman ang biktima. Sa isinagawang imbestigasyon naman ng paaralan, inamin umano ng mga suspek ang ginawang pananakit pero nagturuan sila kung sino ang pasimuno ng lahat. Tiniyak din ng paaralan na papanagutin ang mga nagkasala. - FRJ, GMA News