ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kampo ni Arroyo, posibleng humingi ng tulong sa Korte Suprema sa kasong plunder


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maaaring humingi ng tulong ang kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Korte Suprema para sa kasong plunder na kanyang kinahaharap kaugnay sa umano'y maling paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). “That is one of the options that is on table right now," pahayag sa GMA News Online kay Raul Lambino, tagapagsalita ni Gng. Arroyo. “Nakalagay naman sa batas na if the Office of the Ombudsman finds probable cause on a criminal case, puwede namang dalhin ito sa Supreme Court," dagdag niya. Ang SC ay kasalukuyang pinamumunuan ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, na itinalaga ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Ayon kay Lambino, maaari nilang hilingin sa SC na pigilin ang pagdinig ng Sandiganbayan sa kasong plunder ni Gng. Arroyo dahil sa "lack of probable cause." Sa ulat ni Julius Segovia ng GMA News, sinabing inihayag ng abogado ni Gng. Arroyo sa PCSO plunder case na si Atty. Anacleto Diaz, ang intensyon nito na dalhin ang kaso sa SC. Nitong Huwebes ay ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang pagdinig sa petisyon ng kampo ni Arroyo na manatili sa ilalim ng hospital arrest ang dating pangulo sa halip na ilipat ito sa regular na piitan. Kasalukuyang nakadetine si Arroyo sa Veteran's Memorial Medical Center dahil sa dehydration at pagmamanhid ng bahagi ng katawan. Mayroon din siyang bone mineral disorder at sumailalim sa therapy. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News