Arroyo, may problema sa puso; inilipat sa intensive care unit ng VMMC
Ilang araw matapos muling arestuhin dahil sa kasong plunder, inilipat nitong Biyernes si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa intensive care unit (ICU) ng Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa problema nito sa puso. Sa ulat ng GMA News TV, sinabing dinala si Arroyo sa ICU dahil sa coronary ischemia — isang kondisyon na nakakaapekto sa daloy ng dugo papunta sa puso. Ayon kay Dr. Nona Legaspi, pinuno ng VMMC, nakararamdam ng pananakit ng dibdib si Gng Arroyo na kailangan umano ang madaliang atensiyon. "Ischemia should not be taken lightly," pahayag ni Legaspi sa isinagawang news briefing. Hindi naman umano nahihirapan sa paghinga ang dating pangulo. Idinagdag ni Legaspi na ang paglabas ni Arroyo sa ICU ay nakasalalay sa kung gaano ito kabilis na gagaling. Posible umano na sobrang “stress" ang dahilan ng pagkakasakit na ito ni Arroyo. Bagaman hindi kailangang operahin, kailangan umano ang masusing pag-obserba sa kalagayan ng dating pangulo. Huwebes noong nakaraang linggo nang dalhin si Arroyo sa VMMC dahil sa dehydration at panghihina ng katawan. Kasunod nito ang pagpapalabas ng Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Arroyo at iba pang akusado sa plunder case na bunga ng maanomalyang paggamit umano ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2008 hanggang 2010. Nitong nakaraang Martes, naghain ng mosyon sa anti-graft court ang kampo ni Arroyo na isailalim na lamang siya sa hospital arrest sa halip na ilipat sa karaniwang kulungan. Ang mosyon ay nakatakdang talakayin ng korte sa susunod na linggo. Sa Oktubre 18, ipatatawag ng Sandiganbayan si Dr. Legaspi para tumestigo at tanungin ng mga mahistrado tungkol sa kondisyon ng kalusugan ni Arroyo. - FRJ, GMA News