Tagal sa HS, ginawang 6 na taon: Panukalang batas para sa K-to-12 curriculum, halos lusot na sa Kamara
Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na inaasahang magpapalakas sa basic education system ng bansa. Sa ilalim ng House Bill 6643, palalakasin ang educational curriculum at dadagdagan ang taon sa pag-aaral sa basic education na nakapaloob sa K-to-12 basic education program. "One of the objectives of House Bill 6643 is to enhance the quality of basic education in a manner that is least disruptive to the current curriculum, most affordable to government and families and aligned with international practice," nakasaad sa pahayag ng Media Relation Service ng Kamara nitong Miyerkules. Layunin din umano ng mga may-akda ng panukala na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral na hindi nalalayo sa kalidad ng pagtuturo sa ibang bansa. Inaasahan din na mababago ang pagtingin ng publiko na ang secondary education ay paghahanda lamang sa mga mag-aaral sa pag-akyat nila sa kolehiyo. “Rather, it should allow one to take advantage of opportunities for gainful career or employment and or self-employment in a rapidly changing and increasingly globalized environment," ayon sa pahayag. Sa ilalim ng panukala, ang mag-aaral ay magkakaroon ng isang taon (1) taon sa kindergarten, mananatiling anim na (6) taon sa elementarya, pero magiging anim na (6) taon sa high school – na binubuo ng apat (4) na taon bilang junior high school at dalawang (2) taon bilang senior high school education. "Another provision of the bill is that it integrates in the secondary education curriculum subjects mandated by existing laws currently being offered in the tertiary curriculum in addition to the general education curriculum (GEC) subjects that may hereafter be determined by the DepEd as part of the new curriculum," dagdag pa sa pahayag. Binibigyan din ng kapangyarihan sa ilalim ng panukala ang Department of Education (DepEd), sa pakikipagtulungan ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), upang bumuo ng mas pinahusay na basic education curriculum. - RP/FRJ, GMA News